ONE-MONTH SALARY NG SENATE MAJORITY BLOC IDO-DONATE SA QUAKE VICTIMS

IDO-DONATE ng mga miyembro ng Senate Majority Bloc sa pangunguna ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang kanilang isang buwang sweldo para sa mga biktima ng malakas na lindol sa Mindanao.

Sa joint statement ng Senate Majority Bloc, inimbitahan din nila ang mga miyembro ng minorya na makiisa sa kanilang pagsisikap na makatulong sa mga naapektuhang pamilya.

Iginiit ng grupo na bagama’t maliit lamang ang kanilang ambag, umaasa silang mararamdaman ng mga biktima ang kanilang malasakit at suporta.

Ayon sa mga senador, ito ang panahon upang isantabi ang pagkakaiba ng paninindigan at magkaisa para tulungan ang mga kababayang nahaharap sa matinding pagsubok.

Bukod sa tulong-pinansyal, nais ding ipaabot ng Senate Majority Bloc sa mga taga-Mindanao na hindi sila nag-iisa sa kanilang kinakaharap na sitwasyon.

Naniniwala ang mga senador na ang unang hakbang ng tunay na pakikiramay ay ang pagbibigay ng katiyakan na handang tumulong ang pamahalaan sa oras ng pangangailangan.

Pinalawak din ng Senate Majority Bloc ang kanilang panawagan sa lahat ng sektor para sa panalangin, donasyon at iba pang anyo ng tulong para sa mga biktima ng lindol.

Nakikipag-ugnayan na rin ang grupo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matukoy ang mga kinakailangang suporta para sa mga naapektuhang komunidad.

(DANG SAMSON-GARCIA)

104

Related posts

Leave a Comment