KINUMPIRMA ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na may koneksyon sa 18 dating bodyguards ni dating Cong. Zaldy Co ang iniulat na banta sa seguridad ng Senado.
Ayon kay Gatchalian, batay sa impormasyong ibinigay ni NBI Director Melvin Matibag, may armadong grupo na umano’y nagbabalak manggulo sa Senado.
Dahil dito, agad niyang pinulong ang Executive Committee ng Senado kasama ang Senate Sergeant-at-Arms upang mailatag ang mas mahigpit na security procedures.
Binigyang-diin ng senador na hangga’t hindi pa natatapos ang beripikasyon sa intelligence information, mananatili ang mahigpit na seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga nasa Senado.
Aniya, seryoso nilang tinatrato ang naturang banta dahil prayoridad nila ang seguridad ng mga senador, empleyado at iba pang pumapasok sa Senado.
Ibinahagi rin ni Gatchalian na marami pa ring empleyado ng Senado ang nababahala bunsod ng naganap na putukan noong Mayo 13 kaya nais nilang matiyak ang kaayusan sa buong compound.
Heightened Security ‘Di Lockdown
Ipinatutupad ng Senado ang heightened security measures kasunod ng impormasyon hinggil sa banta sa seguridad.
Sa memorandum na inilabas ni Gatchalian, nakasaad ang mga preventive safety protocols kabilang ang mas mahigpit na screening at inspeksyon sa mga tao, sasakyan at mga gamit na pumapasok sa Senado.
Dinagdagan din ang bilang ng mga security personnel sa loob at labas at pinagtibay ang koordinasyon sa law enforcement, intelligence, military at emergency-response agencies.
Kabilang din sa mga hakbang ang pagprotekta sa mga dokumento at records ng Senado at ang pansamantalang pagpapatupad ng no-visitor policy.
Hinihikayat din ang mga tanggapan na magsagawa ng virtual meetings kung maaari at gamitin ang telepono, email at video conferencing platforms sa kanilang mga transaksyon.
Ayon naman kay Senate Sergeant-at-Arms Alfred Corpus, nagpapatuloy pa ang beripikasyon sa impormasyon ukol sa banta ngunit mas mabuting maging handa sa pamamagitan ng precautionary measures.
(DANG SAMSON-GARCIA)
57 