DEATH TOLL SA MINDANAO QUAKE UMABOT NA SA 45

ALL hands on deck ang pamahalaan sa pagtugon sa pinsalang dulot ng 7.8-magnitude na lindol sa Southern Mindanao kung saan mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at mga miyembro ng kanyang Gabinete ang tumututok sa damage assessment at humanitarian assistance and disaster response (HADR) operations.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), nagtungo si Pangulong Marcos sa mga lugar na pinakamalubhang naapektuhan upang personal na alamin ang lawak ng pinsala at agarang pangangailangan ng mga residente.

Sa pinakahuling datos, umabot na sa 33,596 pamilya o 149,372 katao ang naapektuhan ng lindol. Sa bilang na ito, nasa 41,437 katao ang inilikas sa mga evacuation center.

Nasa 45 na ang naitalang nasawi habang 487 ang nasugatan at 17 ang nawawala sa Davao Region at SOCCSKSARGEN.

Patuloy na pinangungunahan ng OCD at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang koordinadong pagtugon habang nagpapatuloy ang search, rescue and retrieval operations sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire Protection (BFP).

Nagdulot din ang lindol ng pinsala sa mga bahay, paaralan at iba pang imprastruktura. Tinatayang nasa P15 milyon ang halaga ng pinsala sa Davao Region at SOCCSKSARGEN.

Nakipagpulong naman sina Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, Department of National Defense (DND) Senior Undersecretary Irineo Espino at Office of Civil Defense Administrator Undersecretary Harold Cabreros sa mga lokal na opisyal upang tiyakin ang mabilis na pagresponde at paglalaan ng kinakailangang suporta.

Sa kasalukuyan, nakapagbigay na ang DSWD ng mahigit P4.2 milyong halaga ng humanitarian assistance at nananatiling handang maghatid ng karagdagang family food packs at iba pang relief items.

Patuloy namang mino-monitor ng DOH ang kalagayan ng mga health facility sa mga apektadong lugar habang naglagay ng mga makeshift tent para sa mga pasyenteng inilikas mula sa mga ospital.

Naka-deploy din ang Department of Education (DepEd) Disaster Action and Response Teams at mga engineer upang suriin ang kalagayan ng mga paaralang naapektuhan ng lindol.

Samantala, nagdeploy ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng mga Starlink unit at technical teams upang suportahan ang emergency communications sa mga apektadong lugar.

In-activate rin ng DPWH ang disaster response teams nito at nagtalaga ng humigit-kumulang 400 tauhan para sa clearing at assessment operations.

Ayon sa OCD, tuloy-tuloy ang pamamahagi ng pagkain, tubig, pansamantalang masisilungan at iba pang ayuda sa mga pamilyang nananatili sa evacuation centers habang nagpapatuloy ang damage assessment at restoration efforts.

Kaugnay nito, personal na ininspeksyon ni Pangulong Marcos Jr. ang ilang public facilities sa General Santos City at inatasan ang mga kinauukulang ahensya na pabilisin ang structural assessment ng mga health facility na napinsala ng lindol.

Binisita ng Pangulo ang St. Elizabeth Hospital upang alamin ang lawak ng pinsala at matukoy ang pangangailangan ng mga pasyente at healthcare workers.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng agarang pagsusuri sa mga ospital at iba pang medical facility upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Bukod dito, binisita rin ng Pangulo ang distribusyon ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa General Santos City Oval Plaza gayundin ang Romana C. Acharon Central Elementary School at General Santos National High School upang suriin ang epekto ng lindol sa mga pasilidad pang-edukasyon.

Patuloy namang nananawagan ang OCD sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad habang nagpapatuloy ang mga aftershock sa mga apektadong lugar.

(JESSE RUIZ/CHRISTIAN DALE)

66

Related posts

Leave a Comment