PBBM BINISITA 2 BAGONG QC SCHOOL BUILDINGS

NAGPAHAYAG ng kasiyahan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mabilis na pagkakatayo ng dalawang bagong school building sa Quezon City at nangakong magtatayo pa ng mas maraming silid-aralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Inihayag ito ng Pangulo matapos inspeksyunin ang mga bagong gusali sa San Francisco High School sa Quezon City.

Ayon kay Pangulong Marcos, patunay ang proyekto na maaaring matapos nang mabilis ang mga pasilidad kung maayos at tama ang paggamit ng pondo ng pamahalaan.

Sinabi ng Pangulo na kabilang sa mga natapos ang four-story building na may 60 silid-aralan na nakumpleto sa loob lamang ng walong buwan.

“From 10 classrooms, we now have 60. Times six. Meron na tayong 60 classrooms kaya mas naging maluwag ang schedule at physical location ng mga bata, which is conducive to better learning,” ani Pangulong Marcos.

Dagdag pa niya, bihira ang ganitong uri ng proyekto na natatapos sa maikling panahon kaya dapat itong magsilbing halimbawa ng maayos na paggamit ng pondo ng bayan.

Ang isang gusali ay itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang ang isa naman ay pinondohan ng SM Supermalls.

Pinasalamatan din ni Pangulong Marcos ang DPWH, Department of Education (DepEd), Quezon City government at mga pribadong katuwang sa mabilis na pagpapatupad ng proyekto.

“We’re working together. Makita naman talaga ninyo,” ani Pangulong Marcos.

Ayon pa sa Pangulo, magpapatuloy ang pamahalaan sa pagtatayo ng mga proyektong direktang makikinabang ang mga mamamayan at titiyaking maayos na nagagamit ang pondo ng gobyerno.

Nabatid na ang mga bagong gusali ay may fire sprinkler system upang makatulong sa pag-iwas at pag-apula ng sunog.

Ang proyekto ay natapos apat na buwan bago ang target completion date at pumalit sa mga gusaling nasira sa sunog noong Hunyo 15, 2025.

Ang apat na palapag na Dao Building na itinayo ng DPWH ay may 36 silid-aralan habang ang Henry Sy Sr. Hall na pinondohan ng SM ay may 24 na silid-aralan.

Ang San Francisco High School ay isa sa pinakamalaking pampublikong sekundaryang paaralan sa bansa na may mahigit 6,800 mag-aaral.

(CHRISTIAN DALE)

74

Related posts

Leave a Comment