BISTADOR ni RUDY SIM
MADALAS nating marinig mula sa pamunuan ng ABS-CBN na ang kanilang mga empleyado ang pinakamahalagang puhunan at inspirasyon – kumbaga, sa ngalan ng mga kapamilyang ito, the show must go on!
Pero habang patuloy na lumalawak ang mga blocktime agreements at iba pang kasunduan ng ABS-CBN sa iba’t ibang network at platform, isang mahalagang tanong ang muling lumulutang: sapat ba ang ginagawa ng pamunuan upang tiyakin ang kapakanan, job security, at maging ang makatarungang pagtrato sa mga manggagawang sinasabi nilang kanilang pinahahalagahan?
Hindi ito simpleng usapin ng negosyo. Hindi rin ito simpleng usapin ng pulitika. Ito ay usapin ng mga Pilipinong manggagawa na umaasa sa kanilang trabaho upang mabuhay ang kanilang mga pamilya.
Sa Kamara, hindi lamang mga blocktime agreements ang napag-usapan. Lumutang din, sa pangunguna ni Kamanggagawa Party-List Representative Eli San Fernando ang mga alegasyon tungkol sa kalagayan ng ilang mga cameraman at driver na empleyado ng kumpanya.
Hindi na bago ang mga alegasyon na ito. Ang pinaparatang na masamang pagtrato o mga hindi makatarungang kontrata sa mga manggagawa ng ABS-CBN ay isa sa mga lumabas na isyu noong unang tinanggalan ito ng prangkisa noong taong 2020.
Bagama’t kailangang marinig ang panig ng ABS-CBN at maberipika ang mga alegasyon, hindi rin dapat isantabi ang mga tanong na ito.
Kung totoo ang kanilang pagmamahal sa mga empleyado, dapat malinaw kung paano sila pinoprotektahan. Ilan sa kanila ang may sapat na benepisyo? Ilan ang may seguridad sa trabaho? Ilan ang nananatiling nasa hindi tiyak na sitwasyon matapos ang pagkawala ng prangkisa?
Kasabay nito, hindi rin maiiwasang pag-usapan ang mas malaking tanong tungkol sa mga blocktime arrangements ng kompanya, na unang isiniwalat ni PhilRECA Party-List Rep. Presley de Jesus sa kanyang privilege speech sa Kamara.
Kung ang isang content provider ay nakapupuno ng halos buong programming ng isang channel, sino ang tunay na may kontrol? Nasusunod pa ba ang diwa ng mga batas na nagbibigay ng prangkisa sa mga broadcasting company? O may mga puwang sa sistema na kailangang linawin ng Kongreso?
Hindi nangangahulugan na may paglabag na agad. Hindi rin nangangahulugan na may masamang intensyon ang sinoman.
Ngunit sa isang bansa kung saan ang public frequency ay isang pribilehiyong ipinagkakaloob ng Estado, hindi maaaring umasa lamang sa teknikalidad o interpretasyon. Kailangang malinaw ang mga patakaran at pare-pareho ang pagpapatupad ng batas sa lahat.
Dito ngayon nakatuon ang pansin ng Kamara, ng NTC, ng DOLE, at iba pang ahensya. Ang kanilang layunin, ayon sa isang naganap na hearing, ay hindi upang gipitin ang isang kumpanya. Hindi upang muling buhayin ang mga sugat ng nakaraan. At lalong hindi upang hadlangan ang sinomang naghahanap ng paraan upang manatiling buhay ang kanilang negosyo.
Ang layunin ay mas simple ngunit mas mahalaga: tiyakin na napoprotektahan ang mga manggagawa, napapanatili ang patas na kompetisyon, at walang batas ang binabaluktot o nilulusutan.
Kung talagang mahalaga ang mga empleyado ng ABS-CBN, dapat maging bukas ang kumpanya sa anumang pagsusuri. At kung talagang naaayon sa batas ang lahat ng kanilang kasunduan, walang dapat ikatakot sa isang masusing pagbusisi.
Sa huli, hindi lamang kinabukasan ng isang media company ang nakataya rito kundi maging ang kapakanan ng mga manggagawa, ang integridad ng ating mga institusyon, at ang paniniwala ng publiko na ang batas ay iisa para sa lahat.
119 