NANINIWALA si retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na hindi si Senate President Francis “Chiz” Escudero ang dapat maupong presiding officer ng Senate Impeachment Court sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Carpio na may nauna nang isyu kay Escudero kaugnay ng interpretasyon nito sa terminong “forthwith.”
Ayon kay Carpio, hindi dapat ipitin o patagalin ng presiding officer ang pagsasagawa ng impeachment trial gaya umano ng nangyari noon sa ilalim ng pamumuno ni Escudero.
Aniya, mahalaga ang papel ng presiding officer dahil nasa kanya ang kapangyarihang magpasya kung pagbibigyan o hindi ang mga mosyon na ihahain sa paglilitis.
Ipinaalala rin ni Carpio na nilinaw ng Korte Suprema noong Abril na ang ibig sabihin ng “forthwith” ay nakadepende sa sitwasyon ngunit dapat maisagawa sa loob ng makatwirang panahon.
(JULIET PACOT)
94 