MAKAUUWI na sa Pilipinas ang 24 na Pilipinong nakadetine sa Russia matapos mamagitan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Russian President Vladimir Putin sa kanilang bilateral meeting sa Kazan.
Inihayag ni Pangulong Marcos ang magandang balita sa panayam sa mga mamamahayag matapos dumalo sa ASEAN-Russia Commemorative Summit.
“Hindi ko alam kung alam ito ng publiko, pero may 24 na Pilipinong nakadetine sa Irkutsk sa loob ng ilang buwan na. Ilang buwan na ba? Siyam na buwan,” ani Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, walang malinaw na impormasyon noon hinggil sa kalagayan ng mga Pilipino at sa pagkakaalam ng gobyerno ay wala namang kasong isinampa laban sa mga ito.
“Noong nag-bilateral meeting kami ni President Putin, binanggit ko ito. At nagulat din siya. Sabi niya, hindi ko alam ‘yan. Pag-aaralan namin. Titingnan namin ang nangyayari,” saad ng Pangulo.
Ikinuwento ni Pangulong Marcos na muling kinausap siya ni Putin sa isang hapunan kasama ang iba pang mga lider at doon ibinigay ang update hinggil sa kalagayan ng mga Pilipino.
“Noong dinner kagabi, kinausap niya ako, sabi niya, nakita na namin ‘yung sitwasyon. We found out where the 24 Filipinos are. We found out what the problem is with their case, with their situation,” aniya.
Binigyang-diin ng Pangulo na hindi naman kinasuhan ng anumang paglabag ang mga Pilipino ngunit nanatili silang nakadetine sa loob ng siyam na buwan.
Dahil dito, hiniling niya kay Putin na mabigyan ng impormasyon ang mga pamilya ng mga Pilipino at matulungan silang maresolba ang kanilang sitwasyon.
“So, I said as a request, especially speaking for the families, kung puwede naman, we can find a way that we get some information about them,” ayon sa Pangulo.
Sinabi ni Pangulong Marcos na agad namang kumilos ang panig ng Russia at nagkaroon ng paraan upang mapalaya ang mga Pilipino.
“At ngayon, ang 24 na Pilipino ay palalayain na. Handa na silang i-deport bukas ng alas-5 ng hapon. Kaya ang 24 na Pilipinong ito ay makakauwi na sa Pilipinas at makababalik na sa kanilang mga pamilya,” pahayag ng Pangulo.
Nasa Russia si Pangulong Marcos upang dumalo sa ASEAN-Russia Commemorative Summit at magsagawa ng bilateral talks kay Pangulong Putin.
(CHRISTIAN DALE)
315 