PBBM, VP SARA NAGBIGAY-PUGAY SA MGA AMA SA FATHER’S DAY

NAGPAABOT ng magkahiwalay na mensahe sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Father’s Day nitong Linggo.

Sa kanyang Facebook post, inalala ni Pangulong Marcos ang kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at ang mahahalagang aral na iniwan nito sa kanya.

“Remembering my father today. No matter how much time passes, there are some lessons a son never outgrows,” ani Pangulong Marcos.

Ayon sa Pangulo, itinuro sa kanya ng kanyang ama ang kahalagahan ng tungkulin, tiyaga at paglilingkod sa kapwa.

“My father taught me the value of duty, the importance of perseverance and the conviction that our lives are measured by what we give of ourselves in service to others,” dagdag niya.

Nagpasalamat din siya sa pagmamahal at mga aral na natanggap mula sa kanyang ama.

Kasabay nito, nagbigay-pugay rin ang Pangulo sa lahat ng ama, lolo, stepfathers at father figures na nagsisilbing gabay at inspirasyon sa kanilang mga pamilya.

Samantala, naglabas naman sina First Lady Liza Araneta-Marcos at mga anak ng Pangulo na sina Ilocos Norte First District Rep. Sandro Marcos, Simon at Vincent Marcos ng isang “Official Presidential Father’s Day Executive Order” bilang pagbibigay-pugay sa Pangulo.

Sa naturang mensahe, “inuutusan” ang Pangulo na magpahinga, umiwas sa stressful meetings at magkaroon ng “mandatory dessert” bilang espesyal na selebrasyon sa Father’s Day.

Nagpaabot din ng pagbati ang Office of the Vice President (OVP) sa lahat ng ama sa bansa.

Ayon sa OVP, ang mga ama ang nagsisilbing sandigan ng pamilya sa panahon ng pagsubok at nagbibigay ng lakas, gabay at pag-asa sa gitna ng mga hamon sa buhay.

Binigyang-diin din ng tanggapan na ang pagmamahal, sakripisyo at paggabay ng mga ama ang nagsisilbing matibay na pundasyon ng bawat pamilyang Pilipino.

Idinaraos ang Father’s Day tuwing ikatlong Linggo ng Hunyo bilang pagkilala sa mga ama at father figures sa buong mundo.

(CHRISTIAN DALE)

65

Related posts

Leave a Comment