CONSUMERS SA QUEZON NAGKASA NG GRAND RALLY VS PRIMEWATER

KASADO na ang grand rally ng mga consumer laban sa serbisyo ng PrimeWater sa Tayabas City at mga karatig lugar na nakatakdang isagawa sa Hunyo 24, dakong alas-8 ng umaga sa nasabing lungsod, ayon sa opisyal ng pamahalaang panlalawigan.

Kabilang sa mga lungsod na patuloy na naglalabas ng reklamo sa supply ng tubig ang mga residente sa Lucena City, Tayabas City at Pagbilao.

Ang PrimeWater ang nagpapatakbo ng supply ng tubig sa ilang lugar sa Quezon sa ilalim ng joint venture kasama ang Quezon Metropolitan Water District (QMWD).

Ngunit noong Abril 2025, pormal na tinapos ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon Province at QMWD ang kasunduan sa PrimeWater kasunod ng mga reklamo sa kakulangan at kalidad ng serbisyo.

Gayunman, iniulat na muling naaprubahan ang business permit ng PrimeWater sa Pagbilao habang isinasailalim pa sa pagsusuri ang mga reklamo ng ilang residente.

Ayon kay Quezon 1st District Board Member Julius Luces, isa sa mga organizer ng rally, layunin nila na makatipon ng mga petition letter at magsasagawa rin ng signature campaign mula sa mga dadalo at maiparating hindi lamang sa Local Water Utilities Administration o LWUA at National Water Resources Board (NWRB) kundi maging sa mga opisyal ng national government, ang hinaing ng mga residente.

Patuloy namang tinatalakay ng Sangguniang panglungsod at panlalawigan ang mga hinaing at hinihiling ang mas kumpletong dokumentasyon kaugnay ng serbisyo sa tubig sa mga apektadong komunidad.

(NILOU DEL CARMEN)

228

Related posts

Leave a Comment