MARIING kinondena ni Senator Mark Villar ang madugong pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng lima pa.
Ayon sa senador, walang puwang ang ganitong uri ng karahasan sa anumang institusyong pang-edukasyon.
“Mariin kong kinokondena ang karumal-dumal at walang saysay na pamamaril na naganap sa loob ng San Jose National High School. Ang pagkawala ng mga buhay sa isang lugar na dapat ay ligtas na kanlungan ng pag-aaral at paghubog ng kinabukasan ay isang trahedyang hindi dapat mangyari,” ani Villar.
Nagpahayag din siya ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at panalangin para sa mabilis na paggaling ng mga sugatan.
Binigyang-diin ng senador ang pangangailangang magbigay ng agarang tulong, psychosocial support at iba pang kinakailangang serbisyo para sa mga biktima, kanilang pamilya at sa buong komunidad ng paaralan.
“Walang magulang ang dapat mangamba sa kaligtasan ng kanilang anak habang ito ay nasa paaralan. Wala ring estudyanteng dapat matakot na baka hindi siya makauwi nang ligtas matapos ang isang araw ng pag-aaral,” dagdag niya.
Ayon pa kay Villar, ang trahedya ay nagsisilbing paalala na kailangang higit pang paigtingin ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga komunidad laban sa karahasan.
“Sa gitna ng pagdadalamhati, kailangan nating magkaisa sa pagsuporta sa mga biktima at muling pagtibayin ang ating sama-samang responsibilidad na tiyaking ang bawat paaralan ay mananatiling ligtas na lugar ng pagkatuto, pag-asa, at oportunidad,” pagtatapos niya.
(DANNY BACOLOD)
85 