INIUTOS ng Department of Justice (DOJ) ang masusi at malalimang imbestigasyon kaugnay ng madugong pamamaril sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng lima pa.
Ayon sa DOJ, nakipag-ugnayan na ito sa Office of the Regional Prosecutor ng Region VIII upang makalap ang buong detalye ng insidente.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano Martinez na nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Tacloban City Police Office sa koordinasyon ng Office of the City Prosecutor of Tacloban.
Kasalukuyang tinitipon ng mga awtoridad ang mahahalagang impormasyon kabilang ang pagkakakilanlan ng mga nasawi, mga sugatan at mga taong sangkot sa insidente.
Sinisilip din ng mga imbestigador ang mga pangyayari at posibleng motibo sa likod ng pamamaril.
Nabatid din ng DOJ na may dalawang menor de edad na nasa kustodiya ng pulisya kaugnay ng insidente.
“The Department will allow law enforcement authorities and the prosecutors concerned to complete their investigation, subject to all applicable safeguards under the law, especially those involving children in conflict with the law,” pahayag ni Martinez.
Ayon pa sa DOJ, maglalabas sila ng karagdagang impormasyon sa oras na maging malinaw ang lahat ng detalye at maaari nang ibahagi sa publiko.
(JULIET PACOT)
101 