P1.76-B PUSLIT NA SIGARILYO NASABAT SA MAYNILA

NASABAT ng Philippine Coast Guard (PCG) katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI), ang tinatayang P1.76 bilyong halaga ng puslit na sigarilyo sa isang industrial compound sa Vitas Tondo, Manila.

Ayon sa ulat, nagtungo ang NBI, Bureau of Customs (BOC), at iba pang katuwang na ahensiya, sa isang industrial compound sa Vitas Street sa Tondo, kung saan dumaong ang kargamentong naglalaman ng mga pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo.

Pagdating sa lugar bandang alas-8:28 ng gabi, agad siniguro ng pinagsanib na puwersa ang seguridad ng lugar at nagsagawa ng mga kaukulang inspeksyon.

Ang 23 containers, kasama ang sasakyang-dagat na naghatid ng kargamento mula sa Cebu, ay nananatili sa kustodiya ng pamahalaan habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon.

Ayon kay PCG spokesperson, Commodore Noemie Cayabyab, ipinakikita ng operasyong ito ang matatag na suporta ng PCG sa mga pinagsamang hakbang ng pamahalaan laban sa smuggling na nakaaapekto sa pambansang seguridad ng ekonomiya at sa lehitimong kalakalan.

“Kaakibat ng pinaigting na kampanyang Intensified Community Assistance, Awareness, Response, and Enforcement (iCARE) ng PCG, nananatili kaming matatag sa pagtupad sa aming mandato na pangalagaan ang maritime domain ng bansa at suportahan ang buong-pamahalaang pagsisikap laban sa mga transnasyonal at pang-ekonomiyang krimen,” diin ng tagapagsalita ng PCG.

(JOCELYN DOMENDEN)

52

Related posts

Leave a Comment