SPEAKER DY NANAWAGAN NG MAS MAHIGPIT NA SCHOOL SAFETY

NAKIKIISA si Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa pagdadalamhati ng buong bansa para sa mga biktima ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Ipinaabot ng lider ng Kamara ang pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at panalangin para sa agarang paggaling ng mga sugatan.

“Anumang uri ng karahasan na kumikitil sa buhay ng mga kabataan at sumisira sa kaligtasan ng ating mga paaralan ay isang usaping lubhang nakababahala. Ang mga paaralan ay dapat manatiling lugar ng pagkatuto, seguridad, at oportunidad para sa bawat batang Pilipino,” ani Dy.

Tatlong estudyante ang nasawi habang pito pa ang nasugatan sa insidente. Nasa kustodiya na rin ng pulisya ang dalawang Grade 9 students na itinuturong sangkot sa pamamaril.

Ayon kay Dy, dapat magsilbing wake-up call ang trahedya upang higit na palakasin ang pagtutulungan ng pamahalaan, paaralan, pamilya at komunidad para mapigilan ang karahasan laban sa kabataan.

“Ang paaralan ay dapat kanlungan ng kaalaman at pag-asa, hindi pugad ng takot at karahasan. Ito ang lugar kung saan nabubuo ang mga pangarap, hindi kung saan nagwawakas ang mga ito,” aniya.

Suportado rin ng Speaker ang masusi at patas na imbestigasyon upang matukoy ang buong katotohanan at matiyak ang pananagutan ng mga dapat managot.

Binigyang-diin din niya na mahalagang suriin hindi lamang kung sino ang may sala kundi maging ang mga senyales at sistemang maaaring nabigong maagapan ang pag-usbong ng karahasan sa mga kabataan.

Nanawagan si Dy sa mga ahensya ng pamahalaan, mga guro, magulang at lokal na komunidad na paigtingin ang mga programa para sa student welfare, mental health, conflict resolution at maagang interbensyon.

“Dapat magsilbing panawagan ang trahedyang ito sa lahat ng sektor upang magtulungan sa pagpapalakas ng kaligtasan sa mga paaralan, pagtataguyod ng kapakanan ng ating kabataan, at pagtugon sa mga kondisyong maaaring magbunsod ng karahasan,” ani Dy.

(TINA MENDOZA)

59

Related posts

Leave a Comment