INATASAN ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng komprehensibong pagrepaso sa mga umiiral na polisiya sa seguridad sa mga paaralan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Layunin nitong maiwasan ang pag-ulit ng madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng iba pa.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni PNP Spokesperson Colonel Allen Rae Co na nire-review na ng PNP ang lahat ng security protocols sa mga institusyong pang-edukasyon.
Kabilang sa mga rekomendasyon ng PNP ang paglilimita sa isa o dalawang gate lamang na bukas sa mga paaralan upang mas mahigpit na mabantayan ang pagpasok at paglabas ng mga tao.
“Palalakasin po natin ‘yung coordination mechanism between law enforcement, the barangays, as well as the schools po natin,” ani Co.
Tiniyak din ng PNP na susuriin ang pagpapatupad ng mga polisiya laban sa bullying upang matiyak na hindi lamang ito nakasulat kundi aktibong naipatutupad.
Paiigtingin din ang koordinasyon sa pagitan ng pulisya, barangay officials at school authorities upang mapabilis ang palitan ng impormasyon at pagtugon sa mga insidente.
Plano rin ng PNP na magsagawa ng simulation exercises at emergency response drills upang maihanda ang mga estudyante, guro at school personnel sa mga sitwasyon gaya ng active shooter incidents.
Ayon kay Co, may mga pulis nang naka-deploy sa mga paaralan ngunit kailangan pa rin ang mas matibay na suporta mula sa mga lokal na pamahalaan at komunidad, kabilang ang mga barangay tanod bilang force multipliers.
“Kasama rito ay humihingi kami ng tulong at suporta ng local community, ng LGU, at lalung-lalo na ng barangay. Makakatulong po iyong mga tinatawag nating force multipliers, iyong mga barangay tanod,” dagdag niya.
Samantala, suportado rin ni Secretary Remulla ang pagrepaso sa Juvenile Justice Law at pagsusuri sa mga anti-bullying policies matapos lumabas sa paunang imbestigasyon na posibleng matagal nang nakararanas ng bullying ang dalawang menor de edad na suspek.
Ayon sa Kalihim, lumalabas na “bullying gone wrong” ang insidente, habang sinisilip din ang posibleng impluwensya ng video games sa naging asal ng mga bata.
Iniimbestigahan na rin ang pananagutan ng mga magulang at kamag-anak matapos makakuha ng mga baril ang mga menor de edad. Isa umano sa mga armas na ginamit ay hindi rehistrado at may pekeng serial number.
Kinukonsulta rin ng DILG ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung maaari bang litisin bilang adult ang 15-anyos na suspek dahil lumalabas na dalawang araw umanong pinagplanuhan ang krimen.
(CHRISTIAN DALE/TOTO NABAJA)
80 