IBABALIK ng gobyerno ang pondo para sa flood control projects sa panukalang 2027 national budget matapos hindi ito mapondohan noong nakaraang taon dahil sa kontrobersiya sa umano’y malawakang korapsyon.
Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na maaaring maisama muli sa National Expenditure Program (NEP) para sa 2027 ang mga flood control projects na dati nang ipinatigil.
Gayunman, sinabi ni Castro na dadaan muna ang mga ito sa masusing pagsusuri upang matiyak na lehitimo at kinakailangan pa ang mga proyekto bago pondohan.
“It depends, because if that is a legitimate flood control project that was only stopped due to non-implementation — if it became ghost projects but still needs to be done — then it has to be funded,” ani Castro.
Ang NEP na inihahanda ng Department of Budget and Management (DBM) ang nagsisilbing blueprint ng gastusin ng pamahalaan para sa susunod na taon bago ito isumite sa Kongreso bilang batayan ng General Appropriations Bill.
Kapag naaprubahan ng Kongreso at nalagdaan ng Pangulo, ito ay magiging General Appropriations Act.
Ayon kay Castro, nire-review ngayon ng gobyerno ang mga suspendidong flood mitigation projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), lalo na ang mga pinahinto dahil sa mga natukoy na iregularidad at kakulangan sa implementasyon.
Tiniyak din niya na may mas mahigpit nang monitoring at review mechanisms upang hindi na maulit ang mga anomalya sa flood control spending.
(CHRISTIAN DALE)
76 