TINUTUGIS ng mga awtoridad ang dalawang Persons Deprived of Liberty (PDLs) makaraang tumakas mula sa kanilang kulungan sa pamamagitan ng pag-akyat sa pader at pagsira ng barbed wire sa Trece Martires City, Cavite noong Sabado ng umaga.
Kinilala ang dalawang PDL na sina alyas “Darwin” ng Bgry. Toclong 2B, Kawit, Cavite at “Leo” ng Brgy. Sto. Niño, Pasay City.
Ayon sa ulat, bandang alas-8:44 ng umaga nang matuklasan ang pagtakas ng dalawang PDL mula sa Cavite Provincial Jail na matatagpuan sa Brgy. Lapidario Trece Martires City, Cavite.
Ayon kay Candelario Warllie Hermo, Provincial Warden, dakong alas-11:55 ng umaga nang matuklasan na tumakas ang dalawang PDL mula sa kanilang Custodial area sa pamamagitan ng pag-akyat sa isang concrete perimeter wall sa tabi ng E-Hearing Room.
Tuluyang nakatakas ang dalawa matapos sirain ang barbed wire na nagsisilbi ring harang sa ibabaw ng pader saka tumalon sa isang bakanteng lote.
Base sa CCTV footage, dakong alas-8:44 ng umaga ay nakitang naglalakad ang dalawa patungo sa kusina malapit sa E-Hearing Room. Ang isang butas sa barbed wire ang nagsilbi nilang daanan upang tuluyang makatakas.
Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang Cavite Provincial Jail Recovery Team para sa agarang pag-aresto sa dalawang pumuga.
(SIGFRED ADSUARA)
103 