SEGURIDAD SA MGA PAARALAN KAILANGAN PAIGTINGIN – IMEE

BINIGYANG-DIIN ni Senador Imee Marcos ang pangangailangang paigtingin ang umiiral na seguridad sa mga paaralan kasabay ng pagpapahayag ng kalungkutan sa nangyaring Tacloban school shooting.

“Bilang isang Waray, masakit ito para sa akin. Dapat sana nag-eensayo ang mga bata para sa parada sa pista, pero nauwi sa trahedya. Hindi ko matanggap na mga bata ang biktima, tapos mga menor de edad din ang may gawa,” sabi ni Marcos.

Ayon sa senador, hindi lamang ang insidente ng pamamaril ang dapat imbestigahan kundi pati ang pinagmulan ng mga baril, ang kakulangan sa seguridad sa mga paaralan, at ang posibleng masamang impluwensya ng online games sa mga kabataan.

“Ilang buwan pa lang ang nakakalipas nang magsagawa kami ng imbestigasyon sa Senado tungkol sa Roblox at sa mga panganib nito sa mga bata.”

“Ang problema kasi, imposible at hindi user-friendly para sa mga magulang ang interface nito. Mahirap para sa kanila na ma-monitor ang ginagawa ng kanilang mga anak,” dagdag niya.

Ipinaalala Marcos na binigyan nila ng tatlong buwan ang Roblox upang ayusin ang mga isyung ito.

“Kung hindi talaga kayang i-regulate, suspindehin na lang. Huwag na hayaang magpatuloy, ” giit ng senadora.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang paigtingin ang seguridad sa mga pampubliko at pribadong paaralan kasunod ng pamamaril sa Tacloban at ng magkakahiwalay na insidente ng pananaksak sa mga paaralan sa Cavite.

“Kailangan na nating itanong kung sapat pa ba ang seguridad. Dapat pag-aralan ang mas mahigpit na screening, paglalagay ng CCTV, malinaw na emergency protocols, at kung kaya ng budget, maglagay na rin ng metal detectors o magsagawa ng bag inspection,” aniya.

Iginiit din ni Marcos ang pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act, gayundin ang pagsusuri sa pananagutan ng mga magulang, guardian, at iba pang nakatatanda na nagpabaya sa kanilang tungkulin.

“Hindi pwedeng puro pakikiramay lang tuwing may trahedya. Kailangan ng seryosong imbestigasyon, malinaw na pananagutan, at tunay na reporma para hindi na maulit ang nangyari sa Tacloban, Cavite, at iba pang paaralan sa bansa,” pagtatapos ng senador.

(DANG SAMSON-GARCIA)

62

Related posts

Leave a Comment