C-5 QUIRINO FLYOVER SA LAS PIÑAS, PINAGIGIBA PARA MAPABILIS LRT-1 EXTENSION

HINILING ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang paggiba sa bahagi ng C-5 Quirino Flyover upang mapabilis ang konstruksyon ng multibillion-peso LRT-1 Cavite Extension Project.

Ayon kay Santos, mas praktikal na gibain ang P300.39-milyong flyover kaysa gumastos pa ng bilyun-bilyong piso dahil sa paulit-ulit na redesign at pagkaantala ng proyekto.

Aniya, ang hindi pa rin nareresolbang right-of-way (ROW) issues ang pangunahing dahilan kung bakit natatagalan ang Phase 2 ng proyekto, na sumasaklaw sa 3.2-kilometrong bahagi para sa Las Piñas at Zapote stations.

Tinukoy ng kongresista ang naging paggiba sa Tandang Sora Flyover noong 2019 upang bigyang-daan ang MRT-7 bilang halimbawa ng maaaring gawin sa Las Piñas.

Sinabi ni Santos na ipinaabot na niya kay DPWH Secretary Vince Dizon na ang C-5 Quirino Flyover ang pangunahing sagabal sa orihinal na alignment ng LRT-1 Cavite Extension.

Ayon sa kanya, ang flyover na itinayo noong panahon ni dating DPWH Secretary at ngayo’y Senador Mark Villar ay nakaharang sa nakalaang espasyo para sa mga riles ng LRT-1, dahilan upang mapilitan ang pamahalaan na baguhin ang disenyo ng proyekto at magsagawa ng karagdagang right-of-way negotiations.

Iginiit ni Santos na mas makabubuting alisin ang nakaharang na bahagi ng flyover kaysa baguhin pa ang alignment ng riles.

Babala pa niya, maaari pang umabot sa P30 bilyon hanggang P35 bilyon ang gastos para sa natitirang 5.5-kilometrong bahagi ng proyekto dahil sa right-of-way acquisition, utility relocation, implasyon at iba pang construction delays.

“It is far more practical to dismantle a ₱300.39-million flyover than to spend an estimated ₱35 billion more because of repeated redesigns and prolonged delays. The government must choose the solution that best serves the public interest,” ani Santos.

(TINA MENDOZA)

87

Related posts

Leave a Comment