BLACKMAIL NG PALASYO

Syanong Detektib Ni Lucio S. Papa

MAHIGIT isang taon matapos sumingaw ang dambuhalang anomalya sa likod ng flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nananatiling pangarap ang katuparan sa pangako ng Pangulo — tuldukan ang kultura ng katiwalian.

Maraming lumutang na prominenteng pangalan, karamihan kaalyado ng administrasyon kabilang ang malapit na kaanak tulad ni former House Speaker Martin Romualdez at maging ang sariling anak na si Sandro.

Meron din mula sa hanay ng oposisyon. Pero sa halip na panagutin, ginamit ang isyu ng flood control bilang pam-blackmail sa opposition senators na sabit sa katiwalian para pumanig sa administrasyon.

Dalawa ang motibo ng Palasyo — tabunan ang isyu sa flood control scandal at durugin ang mga pumupuna sa pamahalaan.

Ang totoo, hindi tanga ang mga Pilipino. Batid ng lahat ang patuloy na nakawan sa pamahalaan.

Hindi rin madaling kalimutan ang epekto ng katiwalian sa mga mamamayan. Ilan na nga ba ang nagbuwis ng buhay sa tuwing rumaragasa ang tubig baha?

Mga tahanang nawasak? Gumuhong pangarap ng mga kabataan? Wala na ba talagang pag-asa makulong ang mga sangkot sa pinakamalaking anomalya sa kasaysayan ng bansa?

Deretsahang sagot — hindi makakamtan ang hustisya hangga’t nasa Palasyo ang utak ng sindikato.

Sa ganang akin, dapat magkaroon ng patas na Senate Blue Ribbon Committee na maglalantad ng katotohanan sa bisa ng pagdinig — isang malayang congressional investigation na walang pinipili, walang pinoprotektahan at walang bahid ng pulitika.

Marapat lang din ikulong ang mga tiwali kesehodang kakampi ng administrasyon at bawiin ang bawat sentimo ng kinulimbat sa kaban ng bayan.

Malapit nang sumambulat ang galit ng mamamayan. Hindi na dapat umabot sa puntong mag-aklas ang taumbayan tulad ng nangyari noong 1986 nang pwersahang sipain sa Palasyo ng milyon-milyong Pilipino ang noo’y 68-anyos na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

Oo nga pala, 68-anyos na rin ngayong taon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Nagkataon lang ba o sadyang nakatadhana?

Sa mga nais dumulog, magreklamo o magbigay impormasyon sa mga paksang may kinalaman sa katiwalian, pang-aabuso at iba pa, mangyaring makipag-ugnayan sa email address: lucioselegnapapa@gmail.com

104

Related posts

Leave a Comment