NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga law enforcers na igalang ang karapatan ng mga Pilipino sa mapayapang pagtitipon sa gitna ng ginanap na rally sa EDSA bilang suporta kay Senador Rodante Marcoleta.
Sa isang Facebook broadcast nitong Hunyo 30, hinikayat ni Cayetano ang mga awtoridad na pairalin ang maximum tolerance at tiyaking malayang maipahahayag ng mga raliyista ang kanilang paninindigan.
“Ang pakiusap sa ating law enforcers, not only maximum tolerance, respect the right for peaceful protest. Ang hinihingi po natin ay sundin ang Konstitusyon,” ani Cayetano.
Inihayag niya ito kasabay ng pagpapanatili ng full alert status ng National Capital Region Police Office sa Metro Manila, kung saan mahigit 5,000 pulis ang ipinakalat para sa seguridad.
Ayon sa mga awtoridad, nanatiling mapayapa ang sitwasyon sa kabila ng ilang tensyon sa pagsisimula ng rally at hindi nila bubuwagin ang pagtitipon hangga’t nananatiling maayos at mapayapa ito.
Hinikayat din ni Cayetano ang mga Pilipino na makilahok sa anumang paraan, kabilang ang pananalangin, paggamit ng social media, at pagdaraos ng maliliit na pagtitipon sa kanilang mga komunidad.
Ayon sa senador, mahalagang maipahayag ng mamamayan ang kanilang saloobin dahil pinoprotektahan ito ng Konstitusyon.
Kalaunan ay dumalo rin si Cayetano sa naturang rally kasama ang mga miyembro at tagasuporta ng Hakbang ng Maisug.
92 