VILLAR: MENTAL HEALTH NG MGA KABATAAN DAPAT PAGTUUNAN NG PANSIN

NANAWAGAN si Senador Mark Villar na paigtingin ang mga programa at kampanya para sa mental health sa mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante.

Ginawa ng senador ang panawagan kasunod ng mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga menor de edad na nagdulot ng pangamba sa mga magulang at komunidad.

“Ang mga pangyayaring ito ay isang paalala na hindi lamang pisikal na seguridad ang kailangan nating palakasin sa ating mga paaralan. Kailangan din nating tiyakin na may sapat na suporta para sa mental health ng ating mga estudyante,” ani Villar.

Ayon sa senador, mahalagang magkaroon ng maayos na sistema ng paggabay at sapat na access sa mental health services upang agad na matukoy at matugunan ang mga problemang kinahaharap ng mga kabataan.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang palakasin ang mga support system sa loob ng mga paaralan upang matulungan ang mga estudyante sa kanilang personal, emosyonal, at panlipunang hamon.

Kaugnay nito, muling itinulak ni Villar ang kanyang Senate Bill No. 2133 o ang Students’ Guidance and Counseling Act, na naglalayong palakasin ang guidance and counseling programs sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga kuwalipikadong guidance personnel at pagpapalawak ng access sa mental health services.

“Ang guidance office ay hindi lamang dapat puntahan kapag may disciplinary concern. Dapat itong maging isang lugar kung saan komportableng lumalapit ang mga estudyante upang humingi ng payo at makatanggap ng tamang paggabay,” aniya.

Iginiit din ni Villar na mahalaga ang pagtutulungan ng mga pamilya, paaralan, mental health professionals, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya ng gobyerno upang maisulong ang maayos na mental well-being ng mga kabataan.

“Responsibilidad nating mga nakatatanda na lumikha ng isang kapaligirang ligtas, may malasakit, at may mga taong handang makinig, gumabay, at umalalay sa ating mga kabataan,” pagtatapos ng senador.

(DANNY BACOLOD)

62

Related posts

Leave a Comment