NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga Pilipino na magkaisa laban sa korapsyon at sa tinawag niyang “selective justice” kaugnay ng isyu ng umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Sa harap ng libu-libong dumalo sa isang lightning rally sa EDSA nitong Hunyo 30, sinabi ni Cayetano na panahon na upang manindigan laban sa katiwalian sa gobyerno.
“Dumating na ang panahon na kailangan sabihin nating, ‘Tama na! Tama na!'” ani Cayetano.
Ayon sa senador, umasa ang publiko na magkakaroon ng masusing pananagutan matapos mabunyag ang umano’y ghost projects at iba pang iregularidad sa flood control programs, ngunit aniya ay nabaling ang atensyon sa pulitika.
Binanggit niya ang mga naging imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinangunahan nina Senador Panfilo Lacson at Senador Rodante Marcoleta, na aniya’y nakatulong sa paglalantad ng mga anomalya.
Iginiit ni Cayetano na hindi pa ganap na natutukoy ang mga tunay na responsable sa umano’y katiwalian, kabilang ang sinasabing “mastermind” sa likod ng mga anomalya.
Binigyang-diin din niya ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla tungkol sa posibilidad na may mastermind sa likod ng mga iregularidad.
Ayon kay Cayetano, hindi pa rin lubusang naimbestigahan ang malaking pondong inilaan para sa flood control at road maintenance projects noong 2023 at 2024.
Tiniyak naman niya sa publiko na magpapatuloy ang kanilang pagsusulong ng accountability at paglaban sa korapsyon sa kabila ng mga hamon.
“Huwag po ninyo kaming alalahanin. Desidido po kaming lumaban,” ani Cayetano.
Nagtapos ang senador sa panawagan ng pagkakaisa ng mga Pilipino anuman ang kanilang politika, relihiyon, o rehiyon upang sama-samang labanan ang korapsyon.
“Tama na! Sana bilang Pilipino, makasigaw tayo ng ‘We are one against corruption,'” pagtatapos ni Cayetano.
77 