MATATAG ANG SUPORTA NG IGLESIA NI CRISTO KAY SEN. RODANTE MARCOLETA

TARGET ni KA REX CAYANONG

ANG batas ay dapat magsilbing sandigan ng katarungan at hindi kasangkapan ng pulitika.

Kapag may mga pangyayaring nagdudulot ng pagdududa sa motibo ng pagsasampa ng kaso laban sa isang opisyal ng pamahalaan, nararapat lamang na maging mapanuri ang publiko.

Ito ang dahilan kung bakit naging sentro ng usapin ang pahayag ni Senator Rodante Marcoleta na planado umano ang isinampang kaso laban sa kanya. Para sa senador, hindi ito simpleng usaping legal kundi bahagi ng mas malaking laban sa katiwalian.

Ayon kay Marcoleta, ang layunin daw ng mga hakbang laban sa kanya ay pigilan ang kanyang pagsusulong ng imbestigasyon sa sinasabing anomalya sa mga proyektong flood control. Isa itong seryosong alegasyon na nararapat ding mabigyan ng sapat na pansin.

Kung totoong may katiwalian sa paggamit ng pondo ng bayan, tungkulin ng bawat halal na opisyal na usigin ito. Hindi dapat matakot ang sinomang naghahanap ng katotohanan.

Sa isang demokratikong lipunan, mahalaga ang pagkakaroon ng mga lider na handang magtanong at maningil ng pananagutan. Ang ganitong katangian ang inaasahan ng maraming mamamayan sa kanilang mga kinatawan.

Kasabay nito, nagpahayag din ng suporta ang Iglesia ni Cristo (INC) sa paninindigan ni Marcoleta. Nilinaw ng samahan na hindi sila laban sa pagpapatupad ng batas.

Ang kanilang pagtutol, ayon sa kanilang opisyal na pahayag, ay laban sa anomang pagbaluktot ng batas na maaaring gamitin upang pagtakpan ang katiwalian o patahimikin ang mga naghahanap ng pananagutan.

Mahalagang pakinggan ang ganitong panawagan. Ang batas ay dapat ipatupad nang patas at walang kinikilingan, anoman ang katayuan o paniniwala ng isang tao.

Hindi rin dapat mawalan ng puwang ang due process. Ang bawat akusado ay may karapatang marinig at maipagtanggol ang kanyang sarili sa tamang proseso ng batas.

Sa kabilang banda, ang mga nagsasampa rin ng kaso ay may tungkuling tiyakin na ang kanilang mga hakbang ay nakabatay sa matibay na ebidensiya at hindi sa mga usaping pampulitika.

Kapag nagkaroon ng pagdududa ang publiko na ginagamit ang batas para sa pansariling interes, humihina ang tiwala ng mamamayan sa mga institusyon ng pamahalaan.

Mas makabubuti kung ang lahat ng panig ay hahayaang magsalita at pairalin ang transparency sa bawat hakbang ng proseso.

Sa ganitong paraan lamang mabibigyan ng linaw ang mga isyung kinahaharap ng bansa.

Aba’y ang panawagan ni Marcoleta at ng INC ay nagsisilbing paalala na ang tunay na laban ay hindi lamang tungkol sa isang tao kundi sa pangangalaga sa integridad ng batas at sa wastong paggamit ng pondo ng bayan.

104

Related posts

Leave a Comment