Pinangunahan ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando, kasama sina DA-Region 3 Regional Livestock Program Coordinator Gil David, Agricultural Program Coordinating Office representative Memito Luyun at Provincial Veterinarian Dr. Voltaire Basinang, ang paglagda sa Memorandum of Agreement para sa pagtatayo ng P10-milyong Animal Quarantine Facility sa Doña Remedios Trinidad, Bulacan. Popondohan ito ng Department of Agriculture at isinagawa ang MOA signing sa Bulacan Capitol Compound sa Lungsod ng Malolos noong Hulyo 3, 2026.
PORMAL nang lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Agriculture (DA) at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa konstruksyon ng isang P10-milyong animal quarantine facility sa lalawigan.
Nilagdaan ang kasunduan nina Bulacan Governor Daniel R. Fernando, DA-Region 3 Regional Livestock Program Coordinator Gil David, Agricultural Program Coordinating Office representative Memito Luyun, at Provincial Veterinarian Dr. Voltaire Basinang.
Itatayo ang pasilidad sa Damascus Compound sa Barangay Pulong Sampalok, Doña Remedios Trinidad, Bulacan at popondohan ng DA sa halagang P10 milyon sa ilalim ng Integrated National Swine Production Initiative Recovery Expansion (INSPIRE) Flagship Program.
Kayang tumanggap ng hanggang 200 imported animals ang naturang quarantine facility upang matiyak na ligtas at walang sakit ang mga ito bago ipamahagi.
“Malaking bagay ang pasilidad na ito hindi lamang sa ating livestock farmers. Makakatulong ito upang mapanatiling malusog at ligtas sa sakit ang mga alagang hayop at mapalakas ang produksyon,” ayon kay Governor Fernando.
Ayon kay Dr. Basinang, mga imported na hayop ang daraan sa quarantine facility upang maiwasan ang pagpasok ng mga sakit sa lalawigan.
Nabatid na Bulacan, Pampanga at Aurora lamang ang may animal quarantine facility sa Gitnang Luzon.
Kasabay ng MOA signing, namahagi rin ang pamahalaang panlalawigan ng 120 kambing sa mga magsasaka. Ayon kay Governor Fernando, mahigit 700 kambing at baka na ang naipamigay ng lalawigan mula nang ilunsad ang programa noong 2010.
90 