NANINIWALA ang batikang abogado na si Atty. Ariel Inton na dapat nang pag-isipang ibalik ang judicial determination bago magpalabas ng warrant of arrest sa mga kasong non-bailable.
Ang pahayag ay kasunod ng pagsasampa ng Office of the Ombudsman ng kasong plunder laban kay Senator Rodante Marcoleta nitong Huwebes.
Ipinaliwanag ni Inton na ang plunder ay may rekomendasyong no bail, kaya kapag nakapaglabas ng warrant of arrest ang korte ay maaari nang arestuhin at ikulong ang akusado habang dinidinig ang kaso.
Ayon sa abogado, noon ay sapat na ang probable cause upang maisampa ang kaso sa hukuman. Ngunit ngayon, kinakailangan na ang reasonable certainty of conviction, o mas mataas na antas ng ebidensiya na nagpapakitang malaki ang posibilidad na mahatulan ang akusado.
“Ang pagsasampa ng kaso ay hindi maaaring ibatay lamang sa duda o haka-haka,” diin ni Inton.
Aniya, dati ay may judicial determination of probable cause pa ang hukuman bago magpalabas ng warrant of arrest. Ngunit dahil mas mataas na ngayon ang antas ng ebidensiyang kailangan bago maisampa ang kaso, mas mabilis na ring nakapaglalabas ng warrant ang korte.
Nilinaw rin ni Inton na ang no bail recommended ay hindi nangangahulugang hindi na maaaring makapagpiyansa ang akusado.
“Guilty na ba siya? Hindi pa. Ang gagawin ng akusado ay maghahain ng petition for bail. Pero habang dinidinig ito ng hukuman, nakakulong muna siya,” paliwanag niya.
Binigyang-diin din ng abogado ang mahalagang papel ng prosecutor at ng Ombudsman sa pagsasampa ng mga kaso upang matiyak na sapat ang ebidensiya bago mawalan ng kalayaan ang isang akusado.
Bilang halimbawa, sinabi ni Inton na hindi muna tinanggap ng Ombudsman ang rekomendasyon ng Department of Justice na sampahan ng kaso si Senator Joel Villanueva dahil nais pa nitong magsagawa ng sariling preliminary investigation.
Sa kaso naman ni Senator Marcoleta, sinabi umano ng Ombudsman na may sapat silang ebidensiya, kabilang ang umano’y pahayag ng senador sa isang television program, kaya naniniwala silang may reasonable certainty of conviction.
Umaasa si Inton na ebidensya at hindi pulitika ang naging batayan sa pagsasampa ng kaso.
“Marahil, kapag mga kasong no bail recommended, dapat ibalik ang judicial determination bago mag-isyu ng warrant of arrest. Lalo na ngayon na tila kalaban lang ang pinakukulong. Dahil ang selective justice is no justice at all,” ani Inton.
69 