OPLAN DOUBLE BARREL PINABABASURA NG PAMILYA NG EJK VICTIMS SA SC

NANAWAGAN sa Supreme Court (SC) ang mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs na ideklarang labag sa Konstitusyon ang Oplan Double Barrel ng Philippine National Police (PNP), na ginamit sa kampanya kontra ilegal na droga.

Naghain ang mga petitioner ng manifestation at urgent motion upang agarang desisyunan ang kanilang amparo petition na nakabinbin pa mula 2017.

“Ito pong amparo, noong 2017 pa na-file sa ating Korte Suprema. Nagsampung taon na ang war on drugs nitong July 1, 2026. Kaya fi-nile namin ito para desisyunan na ang amparo petition at sabihin ng Korte Suprema na labag sa Constitution ang nangyaring war on drugs,” pahayag ni Atty. Gilbert Andres.

Ayon kay Andres, nananatiling epektibo ang PNP Command Memorandum Circular 16-2016 dahil inamyendahan lamang ito at hindi tuluyang binawi. Dahil dito, maaari pa rin umano itong gamitin sa mga operasyon ng pulisya kaya mahalagang ideklarang labag sa Saligang Batas upang maiwasang maulit ang mga umano’y paglabag.

Sinabi naman ni Atty. Joel Butuyan na saklaw ng petisyon ang 26 na komunidad at hanggang ngayon ay umiiral pa rin ang naturang polisiya.

Hiniling ng mga petitioner sa SC na tuluyan nang ibasura ang Oplan Double Barrel upang hindi na ito magamit sa mga susunod na operasyon at maprotektahan ang kanilang mga karapatan.

(JULIET PACOT)

96

Related posts

Leave a Comment