BIYAHENG-SELDA NI MARCOLETA DEPENDE SA RESULTA NG LAB TEST

INAANTABAYANAN ng Philippine National Police Health Service ang resulta ng mga isinagawang laboratory test kay Senator Rodante Marcoleta.

Ayon sa PNP-Health Service, tanging resulta na lamang ng mga pagsusuri ang hinihintay upang malaman kung maaari nang ibiyahe si Marcoleta sa Sandiganbayan para sa return of warrant at mailipat sa detention facility.

Matatandaang dumaing ng pananakit ng dibdib at batok ang 72-anyos na mambabatas dahilan upang ma-confine ito sa PNP General Hospital.

Kabilang sa mga isinagawang laboratory test kay Marcoleta ang ECG, blood chemistry test, X-ray at 2D echo.

Samantala, kinumpirma ng Philippine National Police na naibalik na sa Sandiganbayan ang warrant of arrest kaugnay ng kasong plunder laban sa senador.

Habang sinusulat ito ay nananatili sa PNP General Hospital ang 72-anyos na senador habang hinihintay ng PNP-Health Service ang resulta ng kanyang mga laboratory test.

Sa isang ambush interview sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., na hindi naiharap nang personal si Sen. Marcoleta dahil nananatili itong naka-confine sa PNP General Hospital at nasa kustodiya ng PNP.

Aniya, naibalik na sa Sandiganbayan ang warrant of arrest noong Lunes ng hapon.

Ayon pa sa PNP-Health Service, nananatiling conscious at responsive si Marcoleta at wala namang nararanasang cardiorespiratory distress.

Samantala, dumating dakong alas-11:00 ng umaga nitong Miyerkoles si Mrs. Edna Marcoleta, maybahay ng senador.

Ayon kay Col. Allen Rae Co, hepe ng PNP Public Information Office, naisyu na rin ang commitment order laban kay Marcoleta at madedetine ito sa Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City.

Kapag idineklarang fit to travel ng mga doktor, agad siyang ililipat sa naturang jail facility alinsunod sa commitment order.

(TOTO NABAJA)

70

Related posts

Leave a Comment