PULIS PATAY SA DRUG BUST SA CAVITE, 1 SUSPEK ARESTADO

PATAY ang isang pulis ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng PRO-4A matapos umanong pagbabarilin ng isa sa mga suspek sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. San Esteban, Dasmariñas City, Cavite, bago maghating gabi noong Lunes, Hulyo 6.

Kinilala ang nasawi na si Police Corporal Anthony John Martinez.

Naaresto naman sa lugar ang isa sa mga suspek na si Jeffrey Calejos, habang nakatakas ang tatlo nitong umano’y kasamahan na agad isinailalim sa manhunt operation.

Ayon sa paunang imbestigasyon, kasama ng isang confidential informant ang pulis nang magtungo sa bahay ng target para sa lehitimong anti-illegal drug operation, nang bigla umano itong pagbabarilin ng isa sa mga suspek, naging sanhi ng agaran nitong pagkasawi.

Natagpuan naman sa lugar ang tatlong sachet na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga.

Samantala, nagpahayag ng pakikiramay si Calabarzon Police Regional Director P/BGen. Hansel Marantan sa pamilya ng nasawing pulis at tiniyak na pananagutin at agad na tutugisin ang mga suspek na sangkot sa pamamaril.

Nito lamang nakaraang Mayo, pinarangalan si Martinez ng PRO-4A ng “Medalya ng Kadakilaan” bilang pagkilala sa kanyang huwarang pagganap at mahahalagang kontribusyon sa serbisyo.

(NILOU DEL CARMEN)

87

Related posts

Leave a Comment