NAARESTO ang dalawang hinihinalang tulak na nasa listahan ng Street Level Individuals (SLIs) ng pulisya, at nasamsam ang ilegal na droga, baril at bala sa isinagawang buy-bust operation sa Gen. Trias City, Cavite nitong Huwebes ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang naarestong mga suspek na sina alyas “Harley” at “Wilfredo”.
Ayon sa ulat, bandang ala-1:30 ng madaling araw, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng General Trias Component City Police Station at Provincial Drug Enforcement Agency (PDEA) sa SS9, Lancaster, Barangay Navarro, General Trias City na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nasamsam sa operasyon ang apat na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 4.44 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang may standard drug price na P30,192 at buy-bust money.
Bukod sa hinihinalang ilegal na droga, nakumpiska rin sa mga suspek ang isang kalibre .45 Colt pistol, dalawang magazine para sa 9mm, pitong bala ng caliber .45, isang itim na sling bag, isang caliber .22 revolver na walang serial number, at limang bala ng caliber .22.
(SIGFRED ADSUARA)
73 