MAHIGIT P474 milyong halaga ng mga ipinuslit na sigarilyo ang nasabat ng Philippine Navy sa serye ng pinaigting na maritime security operations ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) sa ilalim ng pamumuno ni Rear Admiral Constancio Arturo M. Reyes Jr., PN.
Ayon sa Philippine Navy, apat na sasakyang pandagat na sangkot sa pagbibiyahe ng mga kontrabando ang naharang sa magkakahiwalay na operasyon sa Western Mindanao mula Hunyo 23 hanggang Hulyo 6.
Pinakahuli rito ang operasyon ng Naval Task Force 61 (NTF-61) noong Hulyo 6 nang harangin nito ang M/V Jepajoy sa karagatan ng Tongkil Island sa Sulu.
Sa isinagawang Visit, Board, Search and Seizure (VBSS) operation, nadiskubre ng mga tauhan ng Navy ang 3,068 master cases at 29 na ream ng mga sigarilyong walang kaukulang dokumento na may tinatayang halagang P474,136,265.
Dinala sa Zamboanga City ang barko at apat nitong tripulante upang i-turn over sa mga kaukulang awtoridad para sa pagsasampa ng mga kaso at karagdagang imbestigasyon.
Ayon sa Philippine Navy, bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling at ilegal na pagpasok ng mga produktong hindi nabubuwisan sa Western Mindanao, partikular ang tobacco products.
Pinuri naman ni Rear Admiral Reyes ang mga tauhan ng NTF-61 dahil sa kanilang propesyonalismo, pagiging mapagmatyag at dedikasyon sa tungkulin.
Binigyang-diin ng opisyal na magpapatuloy ang agresibong maritime security operations ng Naval Forces Western Mindanao upang maprotektahan ang teritoryong pandagat ng bansa at mapigilan ang mga ilegal na aktibidad sa karagatan.
(JESSE RUIZ)
75 