ISANG 16-anyos na estudyante ang naharang ng mga awtoridad matapos umanong magtangkang magdala ng Philippine Army-issued handgun sa isang pampublikong paaralan sa Tupi, South Cotabato.
Naganap ang insidente noong Hulyo 7 matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya mula sa isang concerned citizen na may dalang baril ang isang binatilyo habang papasok sa paaralan sa Barangay Poblacion.
Agad na rumesponde ang mga nagpapatrulyang pulis at naharang ang estudyante bago pa ito makapasok sa campus.
Nasamsam mula sa kanya ang isang Army-issued Glock 17 9mm pistol na may dalawang magazine na kargado ng kabuuang 32 bala.
Ayon kay Philippine National Police Chief Police General Nicolas Torre III, ipinakita ng insidente ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng komunidad sa kapulisan upang maiwasan ang posibleng trahedya sa loob ng paaralan.
“The swift response of our personnel prevented a potentially dangerous situation from unfolding inside the school,” ani PGen. Torre.
Samantala, sinabi ni Philippine Army Spokesperson Colonel Louie Dema-ala na magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon sa insidente at pananagutin ang sinomang mapatutunayang nagpabaya sa paghawak ng service firearm.
“We take this matter seriously and will conduct a comprehensive internal investigation,” ayon kay Col. Dema-ala.
Lumitaw sa imbestigasyon na ang baril ay service firearm ng nakatatandang kapatid ng estudyante na isang sundalo na nakatalaga sa 6th Infantry Battalion ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.
Ayon sa paunang impormasyon, kinuha umano ng binatilyo ang baril nang hindi nalalaman ng kanyang kapatid dahil nais umano niya itong gamitin bilang pananggalang sa sarili.
(JESSE RUIZ)
83 