KASABAY sa pagdiriwang ng Pilipinas ng ika-10 anibersaryo ng 2016 Philippines-China South China Sea Arbitral Tribunal Award na kumikilala sa mga legal na karapatan sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, ay muling pinagtibay ng Pilipinas at ng 13 iba pang bansa ang iginawad na arbitral ruling.
“Muli nating pinagtitibay na ang mga hindi pagkakaunawaan sa karagatan ay dapat lutasin sa mapayapang paraan at alinsunod sa UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea),” saad sa sama-samang pahayag na inilabas ng mga pamahalaan ng Pilipinas, Australia, Canada, Estonia, Germany, Italy, Japan, Latvia, Lithuania, New Zealand, Romania, Slovenia, United Kingdom, at ng United States of America.
Ito ang sama-samang pahayag ng 14 like-minded countries na ibinahagi ni Thomas “Tommy” Pigott, US Department of State Spokesperson, at ng US Embassy in Manila.
Binigyang-diin ng mga bansa na ang desisyon ng Arbitral Tribunal ay isang “mahalagang milestone at pinal, legal na nagbibigkis (binding), at pinal na pasya sa pagitan ng Tsina at Pilipinas hinggil sa mga karapatan at claims sa karagatan na tinugunan ng Arbitral Tribunal.”
Noong Hulyo 12, 2016, pinawalang-bisa ng Permanent Court of Arbitration na nakabase sa The Hague, ang malawak na nine-dash line claims ng Tsina—na ngayon ay ten-dash line na—sa South China Sea, at muling pinagtibay na ang Pilipinas ay may karapatan sa isang 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) na sinusukat mula sa mga archipelagic baseline nito, alinsunod sa UNCLOS.
“Muli nating pinagtitibay ang ating matatag na pangkalahatang komitment sa pagpapanatili ng isang malaya at bukas na Indo-Pacific na mapayapa, matatag, at nakabatay sa mga alituntunin, na nakaangkla sa batas internasyonal, at ginugunita ang ika-10 anibersaryo ng makasaysayan at nagkakaisang desisyon ng Arbitral Tribunal noong Hulyo 12, 2016 ukol sa South China Sea na binuo sa ilalim ng Annex VII ng UNCLOS,” ayon sa pahayag.
Sabi pa sa pahayag, “Muli nating pinagtitibay ang desisyon ng Arbitral Tribunal na walang legal na batayan ang malawakang pag-angkin ng Tsina sa South China Sea, kabilang ang mga nakabatay sa ‘historic rights.’ Binibigyang-diin natin ang kahalagahan ng pagtataguyod sa kalayaan sa paglalayag (navigation) at paglipad (overflight), gayundin ang iba pang legal na paggamit ng dagat ayon sa batas internasyonal, na nakasaad sa UNCLOS.”
Nanindigan din ang 14 na bansa sa kanilang matinding pagtutol sa anomang mapanganib o unilateral na aksyon, kabilang ang paggamit ng pwersa o pamimilit (coercion), na nagbabanta sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
(JESSE RUIZ)
47 