PAGKAKAISA, PAGKAKAPANTAY-PANTAY AT KAHANDAAN: MGA HALIGI NG MAUNLAD NA QUEZON

TARGET ni KA REX CAYANONG

ANG tunay na barometro ng mahusay na pamamahala ay hindi lamang nasusukat sa dami ng mga proyektong naipatutupad kundi sa kakayahang pag-isahin ang iba’t ibang sektor ng lipunan para sa iisang layunin—ang pag-unlad at kapakanan ng mamamayan. Ito ang patuloy na ipinakikita ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa ilalim ng pamumuno ni Governor Doktora Helen Tan.

Mahalaga ang aktibong pakikipag-ugnayan sa mga halal na opisyal sa bawat bayan at lungsod. Ang pagdalo sa First General Assembly ng Philippine Councilors League ng Quezon ay malinaw na patunay na ang pagkakaisa ng lokal na pamahalaan ang susi sa mas mabilis at mas epektibong paghahatid ng serbisyo publiko.

Ang mga konsehal ang kabilang sa mga unang nakaririnig ng hinaing at pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. Kaya naman ang matibay na ugnayan ng pamahalaang panlalawigan at mga lokal na opisyal ay nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga programang tunay na makikinabang ang bawat Quezonian.

Hindi lamang imprastraktura at kabuhayan ang dapat pagtuunan ng pansin.

Mahalaga ring tiyakin na ang bawat mamamayan ay may pantay na pagkakataon, anoman ang kanilang kasarian, pagkakakilanlan, o pinagmulan.

Kaya naman, kapuri-puri ang pagsasagawa ng unang 2026 Quezon Pride Forum na pinangunahan ng Provincial Gender and Development Office. Isa itong hakbang upang higit pang palakasin ang kamalayan tungkol sa gender sensitivity at paggalang sa karapatan ng bawat isa.

Sa paglahok ng iba’t ibang LGBTQIA+ organizations sa lalawigan, ipinakita na ang pagkakaiba-iba ay hindi hadlang kundi isang lakas na maaaring maging pundasyon ng mas maunlad at mas makataong lipunan.

Ang pagtatayo ng ligtas at inklusibong komunidad ay hindi lamang responsibilidad ng iisang tanggapan. Ito ay tungkulin ng buong pamahalaan at ng bawat mamamayan na may malasakit sa kapwa.

Kasabay ng pagsusulong ng inclusivity ay ang patuloy na paghahanda sa mga sakunang maaaring dumating. Bilang isang lalawigang madalas daanan ng bagyo, napakahalaga ng maagap na paghahanda bago pa man tumama ang kalamidad.

Ang paglalaan ng food packs at hygiene kits para sa mga posibleng maapektuhan ng bagyo ay patunay ng isang pamahalaang hindi naghihintay na lumala ang sitwasyon bago kumilos.

Sabi nga, ang pagiging handa ay nagliligtas ng buhay at nagbibigay ng pag-asa sa oras ng pangangailangan.

Mas mabuti ang maagap na paghahanda kaysa huling pagresponde.

79

Related posts

Leave a Comment