CLICKBAIT ni JO BARLIZO
IYAN ang banat ng ilang labor group sa P85 na dagdag-sahod ng minimum wage earner sa National Capital Region (NCR).
Sa Hulyo 25 ang unang bugso ng P85 na dagdag-sahod kaya mula sa P695 ay magiging P755 na ang minimum wage.
Sa Enero 20, 2027 ang ikalawang hulog, at ayan P780 na ang arawang sahod ng mga non-agriculture worker.
Hindi sapat ang kinikita ng maraming pamilya para makahabol sa mataas na bilihin at ibang pangangailangan.
Nalulunod na ang mga Pilipino sa hindi na mahabol na pagsipa ng mga gastusin kaya sa increase puwedeng kumapit.
Kaso, naging mitsa na naman ito ng magkasalungat na pananaw at pagtanggap.
Sa iba, okay na ‘yan kaysa wala. Pero may mga pumapalag din.
Para kay ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio, napakalayo pa sa nakabubuhay na sahod kaya patuloy nilang isusulong ang P1,200 minimum wage.
Tinatayang P1,312 family living wage aniya ang kailangan ng pamilya sa isang araw para mabuhay nang disente.
Pero, nagpaalala ang mga negosyante na ang umento sa arawang sweldo sa Metro Manila ay maaaring makadagdag sa gastos. Hindi masyadong mabigat sa mga korporasyon at malalaking negosyo ang “baryang” umento dahil malaki ang kanilang kinikita.
Ang iinda rito ay mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs).
Ayon sa DTI, 99.6% ng negosyo sa bansa ay MSMEs, na nagbibigay ng halos 67% ng lahat ng trabaho.
Maliliit lang ang kanilang puhunan at kinikita kaya kapag nagkaroon ng biglaang umento ng sahod ay posible silang magtaas ng presyo, magbawas ng tao, at baka mapilitang isara ang negosyo. Talo ang mga trabahador.
Kaya itaas man ang sahod ay dapat tugunam din ito ng tulong para sa MSME, tulad ng tax relief, wage subsidies at ibang programa para sila ay umasenso.
Ayon nga kay Sen. Bam Aquino, kapag umuunlad ang maliliit na negosyo ay sama-samang umaangat buong bayan.
Kailangan din ng mga polisiya na magpapatatag sa estado ng maliliit na negosyo.
o0o
Usapang sahod pa rin.
Posibleng ilabas naman ang desisyon sa wage hike sa mga manggagawa sa ibang rehiyon sa Setyembre o Oktubre ngayong taon.
Buti naman at nabanggit ni President Ferdinand Marcos Jr. ang dagdag-sahod ng mga manggagawa sa ibang rehiyon.
Patuloy na nirerepaso at inaaral ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang (RTWPBs) ang talagang presyuhan sa bawat region. Iyan ang sabi ng Pangulo.
Matagal pa pala ang paghihintay ng mga nagtatrabaho sa mga lalawigan.
Sa sitwasyong hirap na ang mga manggagawa na pagkasyahin ang kita ay kailangan pang higpitan pa rin ang sinturon.
Kung ang P85 na arawang dagdag-sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region ay barya at dalawang patak pa eh ano ang inaasahang umento sa mga lalawigan?
Okay na rin sana dahil may inaabangan ang mga manggagawa, ngunit pagdating ng wage order baka mabudol lang ang mga obrero dahil binarat ang umento.
Noong 1989 pa ang huling legislated wage hike. Lumipas na ang 37 taon ay wala pang kasunod.
Oras na para maipasa ang ang House Bill (HB) 88 o P200 Legislative Wage Hike na inakda ni TUCP Party-list Representative at House Deputy Speaker Raymond Democrito C. Mendoza.
Hinimok din ng grupo si Pangulong Marcos na agad sertipikahang urgent ang P200 legislated wage hike kaysa paghintayin ang mga obrero ng hanggang sa ikaapat na quarter ng 2026 para sa iaanunsiyong umento.
Ibig din bang sabihin na ang sistemang regional wage board ay bigong maiahon ang manggagawa sa kahirapan?
Nakabubuhay ng sahod ng mga obrero ang kailangang ipagkaloob. Hindi limos.
85 