MMDA NILINAW NA HINDI SUSPENDIDO SI GABRIEL GO

NILINAW ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi suspendido sa serbisyo si Special Operations Group-Task Force for Road Clearing head Gabriel Go sa gitna ng isyu kaugnay ng pagpo-post ng video ng pagsita sa isang gurong nagmomotorsiklo nang walang helmet.

Ayon kay MMDA Chairman Romando “Don” Artes, hindi lamang muna isinama si Go sa mga clearing operations habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.

“Empleyado pa rin siya, hindi siya suspended sa trabaho,” ani Artes.

Kasabay nito, sinabi ni Artes na nagpapatuloy pa rin ang mga clearing operation ng MMDA kahit wala si Go.

Inisyuhan na rin si Go ng show cause order (SCO) upang makapagpaliwanag hinggil sa insidente.

“Tayo naman ay may guidelines regarding pagpo-post ng ating mga empleyado sa social media, partikular iyong bawal mag-post ng demeaning o mga post na ipinapahiya ang ibang tao. Tingnan natin kung may paglabag sa panuntunang iyon,” dagdag ni Artes.

Makikipag-ugnayan din ang MMDA sa gurong sangkot sa insidente upang makuha ang kanyang panig.

Ipinaliwanag pa ni Artes na ang pagpo-post ng mga operasyon sa social media ay bahagi ng pagsisikap ng ahensya upang ipakita sa publiko na inaaksyunan nila ang mga reklamong natatanggap sa hotline 8888.

Bukod sa nagsisilbi itong paalala sa publiko, sinabi ni Artes na nagsisilbi rin itong proteksyon sa mga tauhan ng MMDA laban sa mga posibleng reklamo ng iregularidad sa operasyon.

Ayon pa kay Artes, pinahihintulutan sa ilalim ng guidelines ng MMDA ang pagkuha ng larawan at video sa mga clearing operation at maaari rin itong i-post sa social media accounts ng mga empleyado basta’t sumusunod sa mga umiiral na patakaran tulad ng pag-blur sa mukha ng mga pribadong indibidwal.

Bilang abogado, sinabi rin ni Artes na ang mga taong nasa pampublikong lugar ay hindi kinakailangang humingi pa ng pahintulot upang maisama sa video, bagaman isasangguni pa rin niya ang usapin sa National Privacy Commission.

Iginiit din niya na ang mga video ng lehitimong operasyon ng gobyerno ay mahalaga at ginagamit sa mga imbestigasyon kung kinakailangan.

(JESSE RUIZ)

105

Related posts

Leave a Comment