SURVEY: 64% NG MGA PINOY WALA PA RING TIWALA SA CHINA

PARA kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., malinaw na ipinakikita ng pinakahuling survey ng OCTA Research na nais ng maraming Pilipino ang mas matatag na paninindigan ng pamahalaan laban sa China.

Batay sa non-commissioned second quarter 2026 Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, 64 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing wala silang tiwala sa China, mas mataas ng siyam na puntos mula sa 55 porsiyentong naitala noong Marso 2026.

Sa kabuuang bilang, 37 porsiyento ang nagsabing dapat “somewhat distrust” ng Pilipinas ang China, habang 27 porsiyento ang nagpahayag ng “strongly distrust.”

Ayon kay Teodoro, malinaw na mensahe ito na nais ng taumbayan ang mas proactive na hakbang ng pamahalaan sa usapin ng China, lalo na kasunod ng mga insidente sa West Philippine Sea.

Nabatid na 14 porsiyento lamang ng mga respondent ang nagpahayag ng tiwala sa China, habang 21 porsiyento ang nanatiling hindi makapagpasya.

Isinagawa ang survey kasabay ng ika-10 anibersaryo ng 2016 Permanent Court of Arbitration ruling kaugnay ng West Philippine Sea.

Sinabi ng OCTA Research na mas maraming Pilipino ang unti-unting umaalis sa pagiging undecided at nagkakaroon ng mas matatag na pananaw na hindi nagtitiwala sa China.

Ayon naman kay Roy Vincent Trinidad, sumasalamin ang resulta ng survey sa araw-araw na nararanasan ng mga sundalo, mandaragat at aviator ng Pilipinas sa gitna ng umano’y coercion at agresibong pagkilos ng China sa West Philippine Sea.

Ani Trinidad, ang lumalawak na kawalan ng tiwala ng publiko ay bunga ng mga aktuwal na aksyon ng China, kabilang ang paggamit ng water cannon, military-grade laser at iba pang mapanganib na maniobra laban sa mga sasakyang pandagat at panghimpapawid ng Pilipinas.

Batay sa survey, pinakamataas ang distrust sa Balance Luzon sa 67 porsiyento, sinundan ng Class E sa 67 porsiyento, Class ABC sa 66 porsyento, Visayas sa 63 porsiyento, Class D sa 63 porsiyento, Mindanao sa 62 porsiyento at National Capital Region sa 59 porsyento.

(JESSE RUIZ)

60

Related posts

Leave a Comment