KINUWESTIYON ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano kung bakit tila Taguig lamang ang pinagtutuunan ng pansin sa isyu ng mga sinasabing ghost projects sa flood control.
Ito ay matapos sabihin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na ipinaberipika na nito sa district engineer ang alegasyong inilabas ni Senador Panfilo Lacson.
Sa isang Facebook Live, sinabi ni Cayetano na kung may mga alegasyon ng iregularidad sa iba pang lugar, nararapat lamang na lahat ng mga ito ay imbestigahan at hindi lamang ang Taguig.
Binanggit din niya ang pahayag ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson na mayroon ding umano’y kahalintulad na mga proyekto sa Ilocos, bagama’t sinabi niyang hindi niya matiyak ang katotohanan nito.
Ipinaalala rin ni Cayetano na noong Abril ay personal na ininspeksyon nina DPWH Secretary Dizon, Taguig City Mayor Maria Laarni “Lani” Cayetano at mga opisyal ng DPWH ang ilang infrastructure projects sa Taguig bilang bahagi ng monitoring ng ahensya.
Iginiit ng senador na handa siyang managot kung may mapatutunayang iregularidad sa mga proyekto sa lungsod, ngunit dapat aniyang maging patas at pare-pareho ang imbestigasyon sa lahat ng lugar na may kinakaharap na alegasyon.
60 