Matibag walang bigat sa unang impeachment article; PROSEKUSYON KULANG EBIDENSYA PARA MA-CONVICT SI VP SARA – INTON

NANINIWALA si Atty. Ariel Inton na walang naidagdag na bigat sa unang impeachment article laban kay Vice President Sara Duterte ang testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag.

Ayon kay Inton, hindi pa rin siya kumbinsido na sapat ang ebidensiya upang mahatulan si Duterte sa unang impeachment article kahit na tumestigo si Matibag.

Ipinaliwanag ng abogado na inamin mismo ni Matibag na wala siyang personal na kaalaman sa naging imbestigasyon ng NBI sa kaso ni Duterte dahil hindi pa siya ang NBI Director nang maganap ito.

Sinabi ni Inton na maaari namang tumestigo si Matibag, ngunit dapat ay limitado lamang ito sa mga bagay na batay sa kanyang personal na kaalaman o sariling obserbasyon alinsunod sa Rule 130, Section 22 ng Revised Rules of Evidence.

Aniya, dahil kinilala ni Matibag na wala siyang personal knowledge sa mga pahayag na ginawa niya sa ilalim ng panunumpa, wala umanong bigat ang naturang testimonya at hindi ito dapat maging batayan ng magiging hatol.

Dagdag pa ni Inton, ang maaari lamang mapatunayan sa testimonya ni Matibag ay ang pagkakaroon ng imbestigasyon batay sa mga dokumentong kanyang nabasa bilang NBI Director.

Gayunman, sinabi niyang maaari sanang maisalba ng prosekusyon ang testimonya kung mapatutunayang saklaw ito ng isa sa mga exception sa hearsay rule, ngunit ayon sa kanya ay hindi ito nagawa matapos ang cross-examination.

Kung si Matibag na ang huling testigo ng prosekusyon para sa unang impeachment article, sinabi ni Inton na tila kulang pa ang ebidensiya upang ma-convict si Vice President Duterte.

Ayon pa sa abogado, aabangan na lamang kung magpiprisinta pa ng mga testigo ang depensa sa pagpapatuloy ng impeachment trial.

107

Related posts

Leave a Comment