HIGIT 978,000 LOW-INCOME SSS MEMBERS NAKATANGGAP NA NG UPLIFT ASSISTANCE

INIHAYAG ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mahigit 978,000 miyembro ng Social Security System (SSS) na may mababang kita ang nakatanggap na ng P2,000 Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary at tagapagsalita Irene Dumlao, kabilang ang mga ito sa Group 3 beneficiaries ng programa na inilunsad bilang tugon sa epekto ng krisis sa enerhiya.

Ang UPLIFT Assistance ay ipinatutupad sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang bahagi ng social protection program para sa mga pamilyang mahihirap, mga manggagawa sa sektor ng transportasyon, at iba pang low-income earners na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Para naman sa Group 3—ito ‘yung mga empleyado na may Monthly Salary Credit na mas mababa sa P20,000, may kontribusyon sa SSS kahit minsan noong 2025 o 2026, at may SSS disbursement account—umabot na sa mahigit 978,000 sambahayan ang nakatanggap ng kanilang P2,000 UPLIFT assistance,” ani Dumlao.

Saklaw ng Group 3 ang mga empleyadong may Monthly Salary Credit na mas mababa sa P20,000, nakapagbayad ng kahit isang SSS contribution noong 2025 o 2026, at may aktibong SSS disbursement account.

Ayon sa DSWD, ang Social Security System ang direktang naglalabas ng tulong pinansyal sa mga rehistradong disbursement account ng mga kwalipikadong benepisyaryo.

Makakatanggap ang mga kabilang sa Group 3 ng P2,000 kada buwan sa loob ng anim na magkakasunod na buwan, mula Hulyo hanggang Disyembre.

Sinabi rin ni Dumlao na hanggang nitong Lunes ng umaga ay mahigit 4.4 milyong sambahayan na ang nakatanggap ng P2,000 UPLIFT assistance para sa buwan ng Hulyo.

Bukod dito, mahigit 2.8 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nakatanggap na ng kanilang one-time P2,000 subsidy, kasama ang mahigit 214,000 benepisyaryo ng Walang Gutom Program (WGP).

(PAOLO SANTOS)

97

Related posts

Leave a Comment