INIHAYAG ni Senador Camille Villar ang suporta sa agarang pagpasa ng Senate Bill No. 1905 o ang Magna Carta of Barangay Health Workers (BHWs).
Sa kanyang co-sponsorship speech, sinabi ni Villar na matagal nang nagsisilbing gulugod ng primary healthcare system ang mga Barangay Health Workers ngunit nananatiling kulang ang suporta at pagkilalang natatanggap ng mga ito.
Ayon sa senador, layunin ng panukala na malinaw na itakda ang mga tungkulin ng mga BHW, palakasin ang kanilang pagsasanay at sertipikasyon, magbigay ng mga oportunidad para sa career development, at isabatas ang mga benepisyo at insentibo para sa kanila.
Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ang mga volunteer BHW ng hindi bababa sa ₱3,000 buwanang honorarium, transportation assistance, hazard pay, insurance coverage, psychosocial support, at iba pang benepisyo.
Nakapaloob din sa panukala ang mga probisyon para sa karagdagang edukasyon, career advancement, at civil service eligibility ng mga kuwalipikadong Barangay Health Workers.
Binigyang-diin ni Villar na ang pamumuhunan sa mga Barangay Health Worker ay pamumuhunan din sa preventive healthcare, mas malulusog na pamilya, mas matatag na mga komunidad, at mas mahusay na sistemang pangkalusugan.
Aniya, panahon na upang maibigay sa mga BHW ang nararapat na pagkilala at suporta kapalit ng kanilang matagal nang serbisyo sa mga komunidad.
Dahil dito, hinimok ni Villar ang agarang pagpasa ng Senate Bill No. 1905.
(DANNY BACOLOD)
115 