NASAWI ang babaeng backrider habang sugatan ang babaeng driver nang bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang puno habang binabagtas ang kahabaan ng E. Aguinaldo Highway, Brgy. Biga II, Silang, Cavite noong Linggo ng madaling araw.
Isinugod sa Silang Specialist Medical Center ang biktimang si alyas “Sonia”, 53, may asawa, ng Brgy. Zone 1, Dasmariñas City, Cavite ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas dahil sa matinding sugat sa katawan.
Nilalapatan naman ng lunas sa nasabing ospital ang driver ng motorsiklong Yamaha Mio M3, residente ng San Rafael, Tarlac City dahil sa mga sugat sa katawan.
Base sa CCTV footage, minamaneho ni alyas “Janice” ang kanyang motorsiklo at angkas si Sonia bandang alas-4:33 ng madaling araw at binabagtas ang kahabaan ng Aguinaldo Highway patungo sa direksyon ng Tagaytay.
Ngunit pagewang-gewang umano ang pagmamaneho ng driver sa motorsiklo.
Pagdating sa nasabing lugar, tila nawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang driver at bumangga isang puno sa northbound lane ng kalsada.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang driver at backride nito na nagresulta sa malalang sugat sa katawan ng mga biktima.
Isinugod ang dalawa sa ospital subalit namatay habang nilalapatan ng lunas ang angkas ng motorsiklo.
Tumanggi naman ang asawa ng namatay na magsampa ng reklamo laban sa driver ng motorsiklo.
(SIGFRED ADSUARA)
90 