NAKIISA si Sen. Camille Villar sa pag-co-sponsor ng isang resolusyon sa Senado na nagbibigay-pugay sa buhay, pamana at ambag ni Rene Clert “Bobet” Baterbonia, na inilarawan niyang inspirasyon sa kabataan at sa mga Pilipinong nagsisikap na maabot ang kanilang mga pangarap.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Villar si Sen. Robinhood Padilla sa pagsusulong ng Senate Resolution na kumikilala sa naging kontribusyon ni Baterbonia.
Ayon sa senador, sumasalamin ang buhay ni Baterbonia sa kwento ng maraming Pilipinong nakaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, disiplina at marangal na pamumuhay.
Bilang isang ina, sinabi ni Villar na labis siyang naantig sa kwento ng batang atleta, na aniya’y nagpatunay na ang tagumpay ay hindi nasusukat sa pinagmulan kundi sa mga pagpapahalagang pinanghahawakan, mga sakripisyong ginagawa at determinasyong magpatuloy.
Inilarawan din niya ang pagpanaw ni Baterbonia bilang malaking kawalan dahil naputol umano ang isang buhay na puno ng inspirasyon at potensyal.
Iginiit din ni Villar na ang katarungan ay dapat maging pantay para sa lahat at hindi lamang para sa iilan.
Aniya, ang paghahangad ng hustisya para kay Baterbonia ay paghahangad din ng hustisya para sa bawat Pilipinong naniniwalang hindi dapat maging hadlang ang paggawa ng tama sa pag-abot ng tagumpay.
Tinawag din ng senador si Baterbonia bilang huwarang anak, kapatid, kaibigan at atleta na nagsilbing inspirasyon sa kabataan at sa buong bansa.
Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa mga magulang ni Baterbonia na sina Rene at Rovelyn, at pinuri ang pagpapalaki nila sa kanilang anak.
Tinapos ni Villar ang kanyang talumpati sa pagsasabing hindi malilimutan si Baterbonia at nakikiisa siya sa pamilya nito sa hangaring maipagpatuloy ang mga pangarap na naiwan ng batang atleta.
(DANNY BACOLOD)
100 