INAKSYUNAN na ni Department of Interior and Local Government (DILG) Usec Martin Dino at pinadalhan na ng abiso noong June 14, 2019 si Jose R. Jacob Jr., kapitan ng San Luis Nabua Camarines Sur., na dinulog sa pamamagitan ng Misyon Aksyon noong April 27, 2019 na “KAPITAN, IBA PA LUMABAG SA R.A. 8749, R.A. 9514.”
Dito, mismong kapitan at mga kagawad ang siyang nangunang lumabag sa Clean Air Act makaraang ipasunog sa kaniyang Barangay ang mga basurang kanilang nakolekta.
Kakasuhan sila ng abusing of authority.
oOo
Misyon Aksyon, isa po ako sa masugid ninyong tagasubaybay. Matagal na po akong empleyado ng isang cellphone outlet na ZHK Mobile na may outlets sa malls sa Metro Manila na tahasang lumabag sa RA No. 11199 o ang Social Security Act OF 2018 na dapat kaltasan ang isang empleyado at hulugan ng kontribusyon ng kanilang employer, at DO 168 sa DO 18-A Series of 2011 na pagre-regular sa mga manggagawa sa agency.
Mula po nang pumasok ako sa ZHK Mobile na pag-aari ni Robert V. Li mahigit dalawang taon na akong empleyado nila hindi po ako kinakaltasan ng SSS, PagIBIG at PhilHealth na kailangan namin dahil doon lamang kami umaasa na magkaroon ng benepisyo lalo sa panahon ngayon.
Alam kong lumabag rin sila sa batas ng paggawa dahil hanggang ngayon ay hindi pa po ako regular. Ayon kay Pangulong Duterte ‘pag ikaw ay umabot sa anim na buwan ay awtomatikong kuwalipikado kang maging regular na empleyado.
Gumagalang, Miss. Mobile ng NCR.
Tinatawagan ng pansin: Labor Secretary Silvestre Bello, Aurora Cruz Ignacio SSS President and CEO, Acmad Rizaldy Moti, Pag-IBIG Fund Deputy CEO.
Mga Sir/Madam, Paki imbestigahan naman po ang kompanya ng ZHK Mobile dahil ang kanilang mga empleyado ay umaabot na po ng dalawang taon ay casual pa rin ang mga ito.
Malinaw na nalalabag ng naturang kompanya ang Republic Act No. 7875, RA 10606 at Republic Act 9679.
oOo
Kay DILG Usec Dino mabuhay po kayo sa mabilis ninyong aksyon.
Bukas po ang aking kolum para sa inyong panig at kapaliwagan.
