SQUATTER NAGPIPYESTA SA RIZAL

FOR THE FLAG

Mistulang inutil ang lokal na pamahalaan ng San Mateo sa lalawigan ng Rizal matapos sakupin ng mga iskwater ang mga pribadong lupain doon.

Walang magawa ang lokal na pamahalaan habang parang mga kabuteng nagsulputan at namumutiktik sa pagla-land-grab ng mga lupa ang mga naturang professional squatter.

Sa Barangay Silangan, gabundok na ang tinatanggap na mga reklamo ng nasabing barangay sa umano’y pagtatayo ng mga bahay sa mga lupang may mga nagmamay-ari.

Wala namang magawa ang barangay na mapahinto ang pagsugod ng mga iskwater sa kanilang lugar na animo’y parang mga langgam na sa rami ang mga ito na nagsisipagtayuan ng mga bahay sa mga lupang naroroon kahit pa nga may mga bakod ang mga ito.

“Napakalalakas ng loob, ang itinatayong mga bahay ay yari pa sa semento,” sabi ng isang residente. “Mga sanay, mga professional talaga.”

Nalalaman naman natin na para magpaalis ng iskwater ay gagastos ng napakalaki sa pagkakaso pa lamang at kahit pa nga manalo sa kaso matapos ang ilang taon o ilang dekada, ang may-ari pa ng lupa ang magbabayad sa mga naturang mga iskwater.

Pati mga pulis ay walang magawa sa sindikatong kumukopo ng mga lupain sa San Mateo, mistulang pinapanood na lamang nila at ng mga opisyal ng barangay ang pagtatayo ng mga kabahayan kahit pa nga pawang mga walang building permit.

“Mistulang wala nang pamahalaan sa San Mateo, inuubos na ang mga lupa rito ng mga iskwater, e wala namang magawa ang mga may-ari dahil kapag nagreklamo sila sa barangay at maging sa munisipyo ay walang magawang pagkilos ang mga ito, panonoorin lamang ang mga nagtatayo ng mga bahay,” pahayag pa ng isang residente.

Sa ganitong mga pangyayari at nagmimistulang trend sa bansa, nawawalan na ng integridad ang mga titulo ng lupa at maging ang mga kasunduan sa pagitan ng National Home Mortgage Finance Corporation at mga nakakapagbayad ng nangangarap magkaroon ng sariling lupa dahil sa isang iglap lamang ay tatayuan ng mga bahay ng mga iskwater.

Ano nga ba ang ginagawa ng pambansang pamahalaan sa tila lumalalang suliraning panlipunang ito? (For the Flag / ED CORDEVILLA)

340

Related posts

Leave a Comment