MAG-INGAT SA BINIBILING ELECTRONIC GOODS SA LAZADA AT SHOPEE

BAGWIS

Gaya ng napakarami nating mga kababayan ay nakakagawian ng inyong lingkod ang pamimili ng mga gamit at kung anu-ano sa online selling mobile apps gaya ng Lazada at Shopee. Napakalaking ginhawa naman kasi ang online shopping dahil ‘di mo na kailangang mabalahura sa traffic at ‘di ka gagastos sa gasolina kaya nawiwili tayo na mag-bargain hunt sa online portals na ito.

Okay pa naman noong una dahil may kalidad naman ang ating mga nabibiling produkto ngunit nitong mga nakalipas na buwan ay tila dinagsa na ng mga mandarambong na third-party sellers itong Lazada at Shopee.

Halimbawa ay dalawang beses din akong bumili ng powerbank na pawang mga palpak. Noong una ay nakabili ako ng diumano’y Romoss 20000 milliamperes (mA) na powerbank. Bagama’t gawang China ang Romoss ay maganda at matibay ito kapag orig ang iyong nabili kaya tuwang-tuwa ako noong magkaroon ang Shopee ng sale at ibinebenta lang ito ng mahigit P300.

Ang original na Romoss kapag nasa 20000 mA ay nagkakahalaga ng mahigit P2,000 kaya akala ko naka-jackpot na ako. Maayos naman ‘yung powerbank na dumating sa atin. Makinis at maganda ang packaging.

Noong ating subukan ang naturang powerbank, lumalabas na wala pang 5000 mA ang karga nito at hindi 20000 mA. Naisip ko na baka depektibo lang ang aking nabili kaya bumili ulit ako pero sa iba naman na third-party seller ng Shopee.

Noong gamitin ko ay muli na naman akong nainis dahil sa halip na P20000 mA gaya ng nakalagay na specs ay wala pa itong P10000 mA.

This time, nagreklamo na ako sa merchant at sa Sho¬pee. Ngunit sa halip na maaksyunan ang aking reklamo ay paulit-ulit lang na palitan ng email ang nangyari dahil halata na iba-ibang tao ang humahawak ng aking reklamo.

Noong nagreklamo naman tayo roon sa merchant, aba’y gustong ibalik ko ang aking nabili subalit ako ang magbabayad ng shipping.

Kailangang makialam na ang Department of Trade and Industry rito.

Lubhang nakakatakot itong walang habas na bentahan ng mga low quality at pekeng electronic goods sa online selling apps na ito dahil maaari itong pagmulan ng mga sakuna gaya ng sunog o kaya ay mga nakamamatay na pagsabog. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

263

Related posts

Leave a Comment