(Ni JOEL O. AMONGO)
Nasabat ng pinagsanib na operatiba ng Bureau of Customs-Customs Intelligence and Investigation Service (BOC-CIIS), Intellectual Property Rights Division (IPRD), Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force (JTF)-National Capital Region (NCR) at Philippine Coast Guard (PCG) ang mga ‘smuggled high-valued electronic products’ matapos ang isinagawang pagsalakay sa isang business establishment sa Binondo, Maynila na umano’y nagbebenta ng mga nabanggit na produkto.
Ang grupo ay armado ng Letter of Authority (LOA) No. 07-31-152-2019 nang salakayin noong Hulyo 31, 2019 ang naturang establisimiyento na kung saan nasabat ang mga electronic devices tulad ng Apple Iphones, IPads, Mi Brand at Samsung devices, na pawang wala umanong maipakitang katibayan ng ‘proper payment of duties and taxes’.
Ang issuance ng nasabing LOA, ay ayon sa nakasaad sa Section 224 of the Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa ilalim ng CMTA provision, “The Commissioner or any Customs officer who is authorized in writing by the Commissioner, may demand evidence of payment of duties and taxes on imported goods openly for sale or kept in storage. In the event that the interested party fails to produce such evidence within fifteen days, the goods may be seized and subjected to forfeiture proceedings.”
Lumitaw na mahigit isang buwan ang pangangalap ng impormasyon at pagsubaybay ng mga awtoridad sa aktibidades ng kompanya bago isinagawa ang pagsalakay.
Ang may-ari ng establisimiyento ay binigyan ng palugit hanggang Agosto 14, 2019 para ipakita ang kanyang katibayan na nagbayad siya ng duties and taxes sa kanyang imported goods.
Kasabay nito, nadiskubre rin sa isinagawang pagsalakay ang labinlimang undocumented Chinese at pawang dinala na sa Bureau of Immigration (BI) para sa documentation and processings ang mga ito.
Nabatid mula sa BI, na sa labinlimang Chinese, siyam dito ang natuklasang pawang tourists na nagtatrabaho na walang kaukulang permit, tatlo ang hindi alam ang status (no record of travel found), dalawa ang may 9G visa at isa ang may Special Working Permit.
Ipinasa na sa Legal Division ng Bureau of Immigration ang labinlimang Chinese para sa deportation proceedings.
138