NO HOMEWORK BILL, PINABORAN NG DEPED

deped65

(NI KEVIN COLLANTES)

SANG-AYON si Education (DepEd) Secretary Leonor Briones sa isinusulong ng ilang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na ‘no homework bill’ para sa mga estudyanteng nasa Kindergarten hanggang Grade 12.

Ayon kay Briones, dati na silang may polisiya na nagdi-discourage sa pagbibigay ng gawaing-bahay sa mga mag-aaral tuwing weekend, ngunit hindi ito sinusunod ng ilang paaralang nasanay na sa pagbibigay ng homework.

Paliwanag pa niya, ipinatupad nila ang patakaran dahil batid naman nilang minsan ay hindi talaga ang mga bata ang gumagawa ng kanilang gawaing bahay, kundi ang kanilang mga magulang, at nagiging dahilan rin aniya ito upang minsan ay mawalan na ng panahon upang makapag-bonding ang mga bata at kanilang mga magulang, gayundin ang kanilang mga kaibigan.

Sinabi pa ng kalihim na gusto sana nilang lahat ng pormal na pag-aaral ay gawin na lamang sa loob ng paaralan at pag-uwi ng mga bata ay libre na ang mga ito para magkaroon naman ng libreng oras para sa kanilang mga magulang at kaibigan.

“I am in favor of this (panukala),” ani Briones, sa isang panayam sa radyo.  “Ang gusto natin, lahat ng pormal na pag-aaral, assignments, projects, whatever, gawin sa loob ng eskwelahan. Pag-uwi nila, libre na sila, freetime na nila to be with their parents, with their friends.”

“Pagdating ko, ginawa na namin itong policy. Ang predecessor ko, may policy din. Pero mayroon pa rin mga schools na nasanay talaga sa pagbibigay ng homework,” aniya pa.

“Meron tayong policy na dini-discourage natin ang homework dahil alam naman natin na minsan ang homework, hindi naman ang bata ang gumagawa pagdating sa bahay. At nawawalan pa minsan ng panahon ang bata, ang parents, ang mga lola na mag-bond,” dagdag pa ng kalihim.

Naniniwala rin naman si Briones na ang gawaing-bahay ay karagdagang trabaho lamang sa mga bata, ngayong napakabigat na aniya ng curriculum, napakaraming asignatura na ang mga ito at marami pang school activities ang mga ito, lalo na ang mga nasa senior high school.

Samantala, sa panig naman ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla, sinabi nito na wala pa silang kopya ng buong panukala sa ngayon.

Gayunman, naniniwala siyang kailangan munang pag-aralan ng kanilang mga eksperto ang naturang ‘no homework bill’ lalo na’t nakasaad dito na hindi na bibigyan ng homework ang mga estudyante sa buong linggo.

Aniya pa, mas makabubuti kung ipatutupad na lamang ito bilang isang patakaran at hindi bilang isang batas, dahil kakailanganin pa aniya ng panibagong batas upang mabawi ito.

 

365

Related posts

Leave a Comment