Sa mga resource persons sa pagdinig ng Senate committee on justice and human rights hinges sa isyu ng good conduct time allowance (GCTA), tanging si dating Justice Undersecretary Reynante Orceo lamang ang nakapagbigay-linaw sa naturang usapin na pumutok sa media matapos mapabalita na ang kontrobersyal na dating Calauan Mayor Antonio Sanchez ang isa sa mga mapapalaya dahil sa GCTA.
Ayon kay Orceo, ang GCTA na nakasaad sa Republic Act 10592 ay naibibigay kapangyarihan sa Bureau of Corrections (nasa ilalim ng Department of Justice) at Bureau of Jail Management and Penology (nasa ilalim ng Department of Interior and Local Government) na magsagawa ng automatic computation sa katapusan ng kada buwan para sa GCTA ng mga preso.
“Hindi kinakailangan ng recommendation, ‘di kinakailangan ng referral. Basta importante lang doon, nasunod iyong proseso sa pagbibigay ng time allowance,” paliwanag ni Orceo.
Pero nilinaw rin ni Orceo na sa ilalim ng R.A. 10592, hindi kasali sa GCTA ang mga preso na convicted sa mga karumal-dumal (heinous) na krimen gaya ng rape with murder, drug trafficking, carjacking with homicide at kidnapping for ransom.
Hindi rin kabilang sa GCTA ang recidivists o paulit-ulit na nakukulong dahil sa krimen, habitual delinquents o mga preso na patuloy na lumalabag sa prison rules at ang mga tumakas sa kulungan at muling nahuli at naibalik sa piitan.
Sinabi rin ni Orceo na kailangan ang transparency sa mga benepisyaryo ng GCTA at ito ay sa pamamagitan ng pag-aanunsyo ng kanilang pangalan sa publiko para matiyak na walang magiging kuwestiyon sa kanilang napipintong paglaya sa kulungan.
Dahil itinatadhana ng R.A. 10592 na nasa kapangyarihan ng director general ng BuCor at director ng BJMP ang pag-compute ng GCTA at pag-release ng mga preso na qualified dito, talagang puwedeng maabuso ang naturang kapangyarihan na siya ngang nangyari nang mapalaya ang apat na Chinese drug traffickers at tatlong convicted sa Chiong sisters double rape with murder.
Sa kaso ni BuCor director general Nicanor Faeldon, hindi na niya kailangang impormahan ang kalihim ng DOJ sa mga pinalalayang preso sa ilalim ng GCTA at maski ang kanyang mga deputy sa BuCor ay puwedeng pumirma ng release orders ng lalayang preso.
At dahil sa kanilang narinig na mga testimonya mula sa mga gaya ni Faeldon, minabuti ni Senate President Vicente Sotto III at kapwa Senador Panfilo Lacson at Richard Gordon na maghain ng panukalang batas na lulusaw sa R.A. 10592.
Layunin ng Senate Bill No. 993 na mapawalang-bisa ang batas na nagtakda ng GCTA na nagbigay-daan para bigyan ng ibang interpretasyon na nagresulta sa pagpapalaya ng mga kriminal na dapat sana ay patuloy na nakakulong sa New Bilibid Prisons.
“The provision on GCTA has been in effect since the 1930s and it has not raised this kind of concern from the people and the government. Thus, it is an opportune time to go back to the old law where no question of proper implementation has been put forth to the government and prisoners are enjoying its benefits without a question of the propriety of its applicability on them,” ayon sa explanatory statement ng SB No. 993.
Walang duda na dapat ma-repeal agad ang R.A. 10592. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
