SINO ANG KARAPAT-DAPAT BILANG NATIONAL TEAM COACH?

NATIONAL TEAM COACH

SINA Baby Dalupan, Caloy Loyzaga, Felicisimo Fajardo, Tito Eduque, Leo Prieto, Lauro Mumar, Alfredo del Rosario, Pilo Pumaren, Ron Jacobs, Joe Lipa, Robert Jaworski, Norman Black, Aric Del Rosario, Tim Cone, Rajko Toroman, Tab Baldwin, Chot Reyes, Yeng Guiao.

Ilan lamang iyan sa mga prominenteng pangalan na naging head coach ng Philippine men’s national basketball team sa iba’t ibang dekada at panahon, iba’t ibang koponan at iba’t ibang torneo na nagresulta rin sa iba’t ibang resulta – tagumpay man o kabiguan.

Sa kabuuan ay lagpas 40 na ang nagmando sa Philippine team na nakatapak na sa lahat ng lebel ng world basketball, kabilang na ang FIBA World Cup at Olympics. Sa pangunguna ng mga naturang tacticians, naghari na rin ang bansa sa Asian Games nang apat na beses habang 17 beses naman sa Southeast Asian Games (SEAG), na hanggang sa kasalukuyan ay dinodomina natin.

Ngayon, madaragdagan ang naturang listahan ng coach ng Philippine men’s national basketball team sa oras na makahanap at makapili na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ng susunod na gagabay sa pambansang koponan.

Ayon sa SBP, napipisil ang 21-time PBA championa na si (Tim) Cone na maging national team head coach ulit hindi lamang para sa 2019 Southeast Asian Games, kundi gayundin sa 2023 FIBA World Cup na dito gaganapin sa bansa.

Lumutang din ang mga pangalan nina Ateneo mentor Tab Baldwin, Alab Pilipinas at SMB assistant coach Jimmy Alapag gayundin kung sinomang foreign coach mula sa Europe matapos ang dominasyon ng kontinente sa World Cup na kinatampukan ng kampeonato ng Spain.

Subalit ngayon, ayon sa SBP, si Cone ang nangungunang kandidato.

Upang magawa ito, kailangan ng SBP na makakuha muna ng basbas sa PBA, gayundin sa San Miguel Corporation at sa Barangay Ginebra na sa linggong ito ay may nakalinya nang mga krusyal na pagpupulong.

Wala pang kasiguruhan kung si Cone na nga ang magiging pinakabagong Gilas mentor, subalit kung maisasakatuparan, hindi magiging bagito sa international stage ang pinakamatagumpay na Philippine basketball coach na si Cone na nagmamay-ari ng dalawang PBA grand slam.

Noong 1998, binuo ni Cone ang marahil ay pinakamalakas na Philippine team line-up sa kasaysayan.

Binanderahan ito nina Allan Caidic, Alvin Patrimonio, Johnny Abarrientos, Jojo Lastimosa, Kenneth Duremdes, Vergel Meneses, Marlou Aquino, Dennid Espina at Jun Limpot.

Nabingwit nila ang 1998 William Jones Cup crown, gayundin ang bronze medal sa Asian Games.

Kaya’t kung sakaling ang, 61-anyos na si Cone nga ang susunod na Gilas coach, matamis na pagbabalik ito para sa kanya lalo na’t dito gaganapin ang SEA Games ngayong taon, gayundin ang FIBA World Cup sa 2023.

Nakatakdang hawakan ni Cone, kung matutuloy siya sa pagbabalik sa national team, ang inisyal na 24-man Gilas SEAG pool sa pangunguna nina Kai Sotto, Kobe Paras, Ricci Rivero at Thirdy Ravena kasama rin ang PBA players na sina Stanley Pringle at Christian Standhardinger.

Nakatakda ang SEAG dito sa Pinas mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 kung kakailan tatangka ang bansa na masungkit ang ika-18 basketball title.  (JOSEPH BONIFACIO)

155

Related posts

Leave a Comment