(NI BERNARD TAGUINOD)
NAGKA-REWARD pa ang mga suspek sa pagpatay kay dating Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe noong nakaraang taon.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor hinggil sa kaso ni Batocabe.
Kasabay nito, nilinaw ni Defensor na walang nawawalang reward money matapos ang kanilang executive sessions. Sa open hearing ay napag-usapan ang reward money, partikular na ang P20 Million na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Accounted ang P35 Million,” paglilinaw ni Defensor matapos ipaliwanag sa kanilang ng PNP sa pamumuno ni Brigadier General Joel Napoleon Coronel, acting director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Magugunita na nagbigay ng P20 Million si Duterte, P13 million naman ang pinag-ambagan ng mga kongresista bukod sa P2 Million mula sa lalawigan ng Albay para sa agarang pagdakip sa mga pumatay kay Batocabe noong Disyembre 22, 2018.
“Ang isa sa mga medyo naging, naging debate o pag-uusap, bakit yung mga involved o pumatay nagkaroon ng reward….tumanggap din ng reward,” ani Defensor sa press briefing nitong Miyerkoles sa Kamara.
“Of course masakit sa pamilya dahil nga ang involved sa bumaril ay nagkaroon ng (reward),” dagdag pa ni Defensor subalit nilinaw umano ng PNP na kasama nila ang anak ni Batocabe sa proseso ng pagbibigay ng reward sa mga witness.
Isa pa sa mga kinatatakutan ng kongresista ang tila pagfi-flip-flop umano ng tatlong witness matapos makatanggap ng reward na sina Chris Naval na team leader, aide umano ni dating Daraga Albay Mayor Calwin Baldo, pangunahing suspek sa pagpatay kay Batocabe at isang gunman.
“Baka may nangyari dun sa kabila ulit. Kasama na sila sa pumatay tapos naloko na nila ang gobyerno, tapos nagpapapresyo naman sa kabila,” ayon pa kay Defensor na muling magpapatawag ng imbestigasyon kung saan inimbitahan ng mga ito si dating PNP Chief Oscar Albayalde.
272